PAMAMAHAGI NG TULONG SA POBLACION IBABA

TIGNAN| Namahagi ng kagamitan tulad ng mga damit, sapatos at school supplies ang mag-asawang Fletcher sa bayan ng Angono, partikular sa barangay ng Poblacion Ibaba ngayong ika-16 ng Pebrero, 2023.

May pitumpu’t-limang pamilya ang nabiyayaan ng mga gamit at kasuotan ng mag-asawa. Pinangunahan ito ni Mayor Jeri Mae Calderon, na siyang nagbigay ng pagkilala kay Mr. Randy Fletcher, ang Regional Commander ng Knights of Rizal.

Ipinapaabot rin ni Angono Vice Mayor at KOR Supreme Commander Gerry Calderon ang pasasalamat nito sa donasyon ni Fletcher sa kaniyang mga kababayan.

Ayon kay Mr. Fletcher, sampung taon na niyang ginagawa ang pamamahagi ng tulong sa iba’t-ibang dako ng Pilipinas. Ilan sa mga lugar na kaniyang binisita ay ang bayan ng Antipolo, Marikina, Baguio at Vigan. Katuwang ang kanyang asawa, layunin nilang makapagbigay-saya sa mga Pilipino. Nang itanong kung ano ang kanyang nararamdaman sa naturang gawain, isang ngiti ang kanyang naibigay sa kabila ng pagod. “It’s tiring but indeed worth it. You know, I’m just sitting and watching all day and to be able to give back to the community means a lot to me.” ani ni Mr. Fletcher. Dagdag pa niya, tatlong taon na ang nakalipas magmula nang makabalik sila sa Pilipinas at ngayong muli silang nakapagbigay handog sa mga Pilipino, ito ay itinuturing nilang isang malaking karangalan.

Ilan sa aming nakapanayam ay nagpakita ng kagalakan sa kanilang mga natanggap na biyaya. Isa sa kanila ay si Samira Chua Bancil, na nakatanggap ng mga kagamitan para sa kanyang mga anak. “Yung kinuha ko ay isang blanket, comforter at sapatos para sa mga anak ko.” ani ni Samira. Kanya ring ipinahayag ang pasasalamat sa mag-asawa dahil ayon sa kanya, bihira na silang makabili ng dagdag kagamitan. Sa kabila ng pagtama ng pandemya sa ating bansa at sa hamon ng buhay, makikita pa rin ang ngiti sa mga labi ng bawat pamilyang nahandugan ng tulong ng mag-asawang Fletcher. Walang hanggang pasasalamat ang kanilang alay sa mag-asawa at sa Maykapal.

Litrato at Artikulong ito ay isinulat ng mga intern students sa URS-Angono
MARIAN JOY CORTAS
ALLEC DAI SANTOS
ELAINE SARAUSOS
APOLO DISIMULACION

[foogallery id=”5086″]