Ulat ni Elida Bianca Marcial
Correspondent

Sa pagsuporta ni Mayor Gerry Calderon, ginanap ang 5th Provincial Cooperative Congress sa bayan ng Angono kahapon, Biyernes, October 27, 2017 sa municipal gymnasium.

Dinaluhan ito ng mga miyembro ng mga kooperatiba mula sa labing-apat na bayan ng lalawigan ng Rizal.

Tema ng kongreso ay “Kooperatiba, Tungo sa Maunlad na Pagbabago”.

Ayon kay Hector Robles, chairperson ng Rizal Provincial Development Cooperative Council, may mahigit 250 na kooperatiba sa buong lalawigan ng Rizal na may estimated na kabuuang capital na Php 20 billion.

Ang bayan ng Binangonan ang may pinakamaraming kooperatiba sa buong lalawigan.

Sa panayam ng Angono PIO, binigyang diin ni Robles na patuloy silang humihikayat na maging miyembro ng kooperatiba upang mabigyan ng kabuhayaan ang mga mamamayan.

“Ang kooperatiba ay pinagsasama-sama ang capital ng tao para mai-apply pangkabuhayan. Ngayon established na sila ay hinihikayat pa rin ang maliliit nating kababayan na bigyan ng magandang buhay.

Dahil nakikita natin na walang hanapbuhay ang almost 40% o 60% ay walang hanapbuhay kaya ginagawan ng paraan ng kooperatiba na himukin ang iba may trabaho o wala para umunlad ang kanilang pamumuhay,” paliwanag ni Robles.

Dagdag pa ni Robles, naituturo rin ng kooperatiba sa bawat miyembro nito na pahalagahan ang kanilang kinikita mula sa hiniram nilang capital upang mapaunlad ang kanilang pamumuhay.

“Ang number one value niyan ay bagama’t nangangailangan ng pinansyal ay pero pinipilit nilang tipirin ang kanilang kinikita at pinapahalagahan ang bawat sentimo na kanilang kinikita sa kooperatiba” wika ni Robles.

Hinikayat rin ni Robles na patuloy na suportahan ng pamahalaan ang kooperatiba para sa ikakaunlad nito.

“To all the mebers of cooperatives specially in the province of Rizal, to our Governor Nini Ynares, LGUs elected officials na sana palawakin, tulungan ang ating mga kababayan na nangangailangan dahil sa tingin ko po ang kooperatiba ang makakapagbigay lunas sa ating mga mahihirap na kababayan,” wika ni Robles.

Bahagi din ng kongreso ang isang araw na trade fair na tampok ang iba’t ibang produkto ng mga kooperatiba sa lalawigan.

Nagsilbing panauhing pandangal sina Mayor Gerry Calderon at Konsehal Jeri Mae Calderon.

Ang Angono — sa pamamagitan ng Angono Cooperative Council at mga kasapi ng 9 na kooperatiba sa bayan — ang nag-host at naghanda sa ika-5 taon ng kongreso ng mga kooperatiba sa lalawigan ng Rizal.

Si G. Adonis Calimlim ang tagapangasiwa ng opisina ng Angono Municipal Cooperative Development Office.