Ni Richard R. Gappi
Managing Officer, Angono Public Information Office/Secretariat, Angono Municipal Committee on Cultural Heritage
August 31, 2017; Huwebes, 3:28PM
Agosto 1896 nang pumutok ang Himagsikan sa pamumuno ng Katipunan ni Andres Bonifacio. Sa Angono, may organisado ng Katipunan bago magrebolusyon.
Ayon kay Ayong Tiamson, pumunta mismo si Andres Bonifacio sa Angono noong 1894 upang organisahin ang lihim na kilusan. Nagtayo sa Angono ng Sangguniang Balangay na ang “Pangulo” ay si Kapitan Rufino Villaluz.
Itinalaga din ni Bonifacio si Don Eugenio de Lara bilang supplier ng Katipunan sa buong bayan. (Eugenio G. Lara, “Readings on the History of Angono,” 1969, page 103-104)
Si De Lara ang ‘Juez de Paz’ (o Justice of the Peace/Pinunong Tagapamayapa) na isa sa mga opisyal ng bayan noong 1896, base na rin sa ‘Guia Oficial’ ng gobyernong Espanyol.
Bukod kay De Lara, opisyal din ng bayan noong 1896 sina Presbiterio Luis Ignacio bilang cura parroco/pari ng simbahan; Lazaro Vitor, gobernadorcillo/alkalde ng bayan; Juan Sim, Maestro de Niños/Pinunong Guro sa mga Batang Lalaki; at Macaria Cecilio, Maestra de Niñas/Pinunong Guro sa mga Babae. (Page 101)
Gayunman at sa kabalintunaan, si De Lara ang una sa mga papaslangin ng mga tinaguriang ‘tulisanes’ galing sa Antipolo at paligid ng Angono noong gabi ng January 6, 1897 sa pamumuno ni Gardo Padua, na taga-Muson sa Taytay, Rizal. (Page 102).
“That evening, instead of the scheduled dancing of the ‘Bati’ by the ‘Kapitana’ and ‘Tenienta,’ at the house of Don Genio who was then the ‘Hermano Mayor’ of the ‘Pascuhan’ – and while some others in the renegade group ransacked the bodega of the Hacienda, singled him out from the completely surprised, thus completely unarmed crowd of ‘Tatlong Hari’ celebrants, and down the street, the Juez de Paz was summarily executed,” ayon sa Readings on the History of Angono. (Page 102)
Dahil sa pagkubkob na ito ng mga umano’y tulisanes, bumawi at lumusob ang mga guardia civil mula sa garrison ng Maynila at Taytay (walang garrison na nakahimpil sa bayan) sa Angono noong February 20, 1897.
Ito ay upang malawakang hanapin at arestuhin ang mga umano’y tulisan at kriminal sa bayan.
Sa operasyon o pagganti na ito ng mga Guardia Civil, napatay ang pipi/mute na si Santos Hernandez.
Dahil bingi nga at hindi tumigil si Hernandez nang sabihan siyang huminto, kaya siya binaril at pinatay.
Naaresto naman sina Julio Blanco na matagal na umanong wanted ng pulisya dahil sa mga kasong murder at si Pascual Diaz na isang panday/blacksmith. (Page 103)
Ang isa pang kinasangkutan ng mga Angono “insurrectos” laban sa Espanya ay nangyari noong ikalawang bahagi ng Himagsikan.
Ito ay nang salakayin ng mga Pilipino noong August 19, 1898 ang Kuta sa Morong, ang huling balwarte ng mga Kastila matapos silang umatras ng Maynila. (Page 107)
“The Angono insurrectos were armed only with bolos, and these bolos were used very extensively not in whacking away at well entrenched defenders of the garrison, but rather in cutting thousands and thousands of bamboos near Morong.
These bamboos were bundled and tied together into such sizes as to be sufficiently impenetrable by ordinary rifle shots,” ayon sa Readings on the History of Angono. (Page 106)
Sa pagsalakay na ito, ang naging casualty o namatay na taga-Angono ay si dating Kapitan Clemente Blanco. (Page 108)
Naging kasapi din ng Katipunan at naging ‘insurrectos’ ang mga sumusunod, bagaman naging aktibo sila sa paglaban sa ikalawang bahagi ng Himagsikan, kontra sa mga sundalong Amerikano:
Placido Unidad, Celo Vocalan, Hermogenes Floriza, Juan dela Cuesta, Antonio Vitor, Anselmo Mendiola, Ipe at Domingo Reyes, Baldo Tiamson at kanyang anak na si Ayong, Clemente Blanco, Feliciano Lipio, Maximo Orca, Pablo dela Cuesta, Felix Villaluz, Cipriano Igualada, Valentin Mendiola
Emilio Piñon, Cintong Taytay, Juan B. Gragera, Juan C. Gragera, Pencio Reyes, Jose Tolentino, Castor Capistrano, Andres Reyes, Jacinto Diaz, Armando Orca, Juan de los Reyes, Victorino Bolarin, Alejandro Orca, at Julian ‘Calabao.’ (Page 104)
Noong August 1, 1898, pinirmahan ang “Acta de Independencia” ng mga representative mula sa probinsya ng Distrito de Morong (dating pangalan ng lalawigan ng Rizal) sa Bacoor, Cavite.
Nahalal si Don Apolonio Villaluz bilang pangulong lokal na nagrepresenta sa Angono na nagpahayag ng suporta sa Pamahalaang Diktadurya ni Pangulong Emilio Aguinaldo.