Alfie Capistrano ng Human Resource Management Office, empleyadong may pinakamaraming nai-donate na dugo; iba pang blood donor, pinarangalan

Ulat ni Elida Bianca Marcial 
Correspondent
September 4, 2017; Lunes, 1:26PM

Sinasabing ang dugo ay buhay at kapag nag-aalay ng dugo, may natutulungang madugtungan ang buhay ng isang pasyente at nangangailangan.

Sa mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Angono, si Alfie Capistrano ng Human Resource Management Office ang may pinakamaraming ulit na nag-donate ng dugo at suki sa mga bloodletting quarterly o tuwing tatlong buwan.

Si Alfie ay 12 beses nang nakapag-donate ng dugo mula nang simula siyang maging blood donor noong 2010.

Si Alfie at iba pang empleyado ay kinilala at pinasalamatan kaninang Lunes ng umaga, September 4, 2017.

Ginanap ito sa liwasang bayan kaalinsabay sa lingguhang pagtataas ng watawat, at si Mayor Gerry Calderon mismo ang nag-abot ng sertipiko ng pagkilala at incentive/cash prize.

Ang incentive ay kaloob ng Arts Capital Multi-Purpose Cooperative na kooperatiba ng mga empleyado sa munisipyo.

Kabilang din sa kinilala sina Ronald Allan Bugarin ng Municipal Health Office, Reynaldo M. Tan ng BPLO, Jervin R. Santos, at Jeffrey Andrew Estilo ng Municipal Budget Office.

Samantala, tinanggap ni Mayor Gerry kanina ring umaga ang trophy na iginawad ng Rizal Chapter-Philippine Red Cross para sa bayan ng Angono bilang pagkilala nito sa aktibong blood donation campaigns ng Angono Municipal Health Office at lokal na pamahalaan.

Ang nasabing parangal ay ipinagkaloob noong August 30, 2017.

Matatandaan na nitong huling dalawang taon, pinarangalan din ng Department of Health at Philippine Blood Center ang Angono ng ‘Apolinario Mabini Award’ kaugnay pa rin sa matagumpay na blood donation campaigns.

Posted in ANGONO NEWS.