Teksto ni Richard R. Gappi
Minsan may nagtanong: kung ang taga-Davao ay Davaweño at mga taga-Rizal ay Rizaleño, ano naman daw ang tawag sa mga taga-Angono?
May nagsasabing ‘Angonians’ na tila palasak na ginagamit kapag nagsasalita sa Ingles.
Pero niresolba na ito ni Punongbayan Ponciano B. Rivera na alkalde sa Angono noong 1968.
ANGONEÑO (ang•go•ne•nyo/ang•go•ne•wen•yo/a•ngo•ne•wen•yo) ang ipinangtukoy ni Punongbayan Rivera sa kanyang Paunang Salita sa aklat-magasin na ‘Malayang Pamahalaan ng Konseho Munisipal’.
Ang Angono ay binigyan ng kalayaan noong Enero 1, 1939 sa bisa ng Executive Order No. 158-Series of 1938 ni Pangulong Manuel L. Quezon.
Ang ‘Malayang Pamahalaan ng Konseho Munisipal (1939-1969)’ ay inilathala ng Lupon sa Sining, Agham at Kultura ng Pamahalaang Bayan ng Angono noong Nobyembre 12, 1968 bilang ulat sa kasaysayan at kaunlaran ng bayan para sa ika-30 taong pagiging malaya, Enero 1, 1969.
Ang nasabing aklat-magasin ay nasa pag-iingat ng Angono Municipal Committee on Cultural Heritage at Angono Municipal Library.