Ni Elida Bianca Marcial
Correspondent

Tinanggap ni Mayor Gerry Calderon ang karangalang Tourism Excellence Award for Local Government kahapon, Lunes, November 27, 2017 sa The Bellevue Manila Alabang, Muntinlupa City.

Kasama ni Mayor Gerry na tumanggap ng nasabing parangal si Angono Tourism Officer Bernard Laca Jr.

Ang nasabing parangal ay pagkilala sa kontribusyon sa turismo at sa mga programang naipatupad nito, at iginawad ng Department of Tourism-Region IV A o Calabarzon.

Ito ay patunay na ang bayan ng Angono sa buong rehiyon at maging buong bansa ay patuloy sa pagsagawa ng mga gawain para sa ikaaangat ng turismo, sining at kabuhayan ng bayan.

Nakaangkla ang proyektong turismo ng pamahalaang bayan sa pananaw na “Sa Turismo Aangat ang Angono”.

Isa itong komprehensibong programa sa physical and traffic development ng bayan, waste management and clean and green programs, pagbibigay ng livelihood sa pamamagitan ng creative economy, at pagsuporta sa mga gawaing pangsining at kultura ng mga artist at mamamayan sa bayang tinaguriang Art Capital ng Pilipinas.

Ang estratehiyang “Sa Turismo Aangat ang Angono” ay ginantimpalaan ng Galing Pook Award noong 2004 ng Galing Pook Foundation dahil sa kakaiba ito, matagumpay at maaaring pamarisan ng ibang bayan.

Noong nakaraang linggo lamang, umani din ng parangal ang bayan nang makopo nito ang pangatlong Seal of Good Local Governance 2017.

Kamakailan din ay nagwagi nang ikalawang ulit ang Angono ng Galing Pook Award 2017 para sa entry na Participatory and Systematic Governance for Socio-Economic Development; YES Top Performer and Cleanest Municipality for Waterways; 3rd Most Competitive para sa 1st-2nd class municipalities ng National Competitiveness Council-Philippines sa buong bansda; at 2nd Best Public Employment Service Office din sa buong bansa.