Ulat ni Elida Bianca Marcial
Correspondent
Sa pangunguna ni Mayor Gerry Calderon, naiuwi ng Angono Public Employment Services Office (PESO) ang National Best PESO 1st Runner-up award para sa 1st-2nd class municipalities noong nakaraang linggo.
Ginawa ang pagpaparangal noong October 4, 2017 sa F.L Dy Coliseum sa Cauayan City, Isabela na taunang iginagawad ng Department of Labor and Employment (DOLE), PESO Managers Associations of the Philippines at Bureau of Local Employment para sa top performing PESO ng bansa.
Ang Angono PESO ay nagwagi na sa provincial at regional level kaya’t naging finalist ito para sa national level.
“Yung Number 1 sa province maglalaban sa inter-regional, so iyong champion ng region papasok sa national. Pero hindi lahat ng champions ng regions ay nagiging finalist dahil may minimum sila mga scores,” paliwanag ni Sir Jolan Aralar, ang Angono PESO manager na tumanggap ng nasabing tropeo.
Paliwanag pa ni Sir Jolan, ang PESO ng bawat bayan ay kinakailangang maabot ang criteria tulad ng delivery of core services, labor market information provision, implemented DOLE programs, leadership in relation to labor and employment, awards received by the office of PESO manager, at career and employment advocacy.
Labis naman ang pasasalamat ni Sir Jolan sa patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan at ni Mayor Gerry sa mga programa ng PESO.
“Si alkalde, napakalaking tulong sa programa ng PESO at dahil dito naging matagumpay tayo, nakapag-provide ng trabaho.
Sabi ni mayor, at ito iyong niyayakap natin na sa Angono: dapat it must be “Bawat Bahay, May Naghahanapbuhay” at pagkasabi nga ni alkalde: “Trabaho ba kamo, Tara sa PESO Angono” so ito iyong mga pinapangatawanan natin, pinanghahawakan natin,” paliwanag pa ni Sir Jolan.
“Sa Team PESO, walang magaling na PESO kung hindi dahil sa mahuhusay na mga tao. And thank you sa Angono Rizal News Online at sa Angono Public Information Office for supporting all our advocacies. Napakalaking bagay ng information dissemination in relation to training and employment provision,” dagdag ni Sir Jolan.
Nagwagi bilang Best PESO ang Masinloc, Zambales.