Ni Richard R. Gappi
Wagi ng 1st runner up ang Angono Sepak Takraw Club sa inter-division 2nd Tournament na ginanap sa Metropolis Covered Court sa Pasig City noong September 3, 2017.
Ayon kay Gilbert Sales, isa sa mga kasapi ng grupo, pitong teams ang naglaban-laban at nagchampion sa nasabing palaro ang Sepak Takraw Club ng Pasig.
Kabilang sa mga sumali ang mga club mula sa Baras, Rodriguez, San Juan, Pasig, Cavite at San Pablo, Laguna.
Ang pinaglabanang kategorya ay team event, best regular, at doubles.
Bagaman Angono Sepak Takraw Club ang pangalan ng grupo, may mga kasapi dito na galing din sa Taytay at Binangonan.
Ilan din sa mga kasapi ay dating varsity player ng University of Rizal System Angono na sina Gilbert, Paulo Delima, at Jesrael Borja na tumatayong chairman ng club.
Ayon kay Sales, isang taon pa lang nang muling itatag ang Sepak Takraw Club sa Angono. Nakarehistro din ito sa Securities and Exchange Commission.
Layunin ng grupo na ibalik ang sigla at hikayatin ang publiko laluna ang mga kabataan na pagtuunan ang pambansang laro bilang sports.
“Ang grupo namin ay may mga member na baguhan at merong mga lumalaro na sa Palarong Pambansa. Magagaling ang mga bata natin, nakikipagpukpukan sa magagaling na player ng Pasig kahit lahat sila player ng Palarong Pambansa,” wika ni Sales.
Dagdag pa ni Sales, konektado din ang grupo sa Philippine team.
“Conected din kami sa mga player ng Philippine team. Kabilang tayo sa ilang samahan na pwedeng pagkunan ng player para makasali sa Philippine team,” wika niya.