Ni Richard R. Gappi
September 3, 2017; Sunday, 2:52PM
Tinanggal na sa trabaho kahapon, Sabado, September 2, ang traffic enforcer ng Angono na nahuli sa video na nanghingi ng P100.
Ito ang ulat ni Angono Office of the Mayor chief of staff Alan Maniaol sa panayam ng aRNO ngayong tanghali ng Linggo, September 3.
“Nung makita ni Sir Rey Tan yung viral video, kahapon pa lang ay tinanggal na sa trabaho yung traffic enforcer,” wika ni Sir Alan.
Si G. Rey Tan ang head ng Public Safety and Order na nangangasiwa sa mga traffic enforcer.
Dagdag pa ni Sir Alan, Enero pa lamang ngayong taon ay alam na ni Mayor Gerry Calderon ang mga angal ng publiko sa mga traffic enforcer.
“Kaya nga nanawagan tayo ng mga bagong traffic enforcer na pwedeng magtrabaho at palitan itong mga tiwali pero walang nag-aapply,” wika ni Sir Alan.
Binigyang diin din ni Sir Alan na hindi kinukunsinti ng lokal na pamahalaan ang anumang katiwalian.
“Kaya ngayon ay simple lang ang utos ni Mayor, wala nang pakiusapan, tiketan na mga traffic violators para iwas ang pakiusapan o itong sinasabing lagayan at kotongan,” wika ni Sir Alan, na atas ni Mayor Gerry sa mga enforcer.
Matatandaang naging viral ang nasabing video na ini-upload ng isang estudyanteng taga-Binangonan na hinuli ng nasabing traffic enforcer dahil sa traffic violation na no parking sa tapat ng palengke.
Isang libong piso ang fine o penalty pero nakiusap ang traffic violator na wala siyang ganoong kalaking pera dahil estudyante lang siya at hindi siya taga-Angono kung kaya hindi niya umano alam na bawal magpark sa nasabing lugar.
Kung kaya nakiusap ang traffic violator sa traffic enforcer.
“Sige P100 na lang pero hindi ko na kayo titiketan,” wika ng traffic enforcer sa estudyante.
Hati naman ang tingin ng mga netizen sa pangyayari.
“Tama lang ‘yan na ivideo at iangal, maraming traffic enforcer ang ganyang nangongotong,” wika ng isang netizen.
“Walang utang na loob. Siya na nga traffic violator at nakiusap, ivinedeo pa at ini-upload sa Facebook,” wika naman ng isa.
“Pareho silang mali. Bribery yun — and it takes two to tango. Walang malalagyan kung walang maglalagay,” wika ng isa pang netizen.