Ulat ni Elida Bianca Marcial
Correspondent
September 19, 2017; Martes, 9:18AM

Ipinahayag kahapon, Lunes, September 18, 2017 ni Rizal Police Provincial Director Police Senior Supt. Albert Ocon na ang anti-crime project ng Angono ang magiging modelo nito sa buong rehiyon at ipepresenta niya ito bilang template kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ito pong bayan ng Angono ang kauna-unahang nagkaroon ng programang ito para sa ikatutupad ng Community Mobilization Program o CMP kaya nga po ito aking nirerekumenda sa ating regional director,” wika ni Ocon sa ginawang pledge of commitment program tungkol sa nasabing project.

Ginanap ito sa liwasang bayan ng Angono kung saan dumalo at naging panauhin sina Angono Mayor Gerry Calderon, mga konsehal, at opisyales ng iba’t ibang civil society and religious groups.

“Ipepresent din natin ito kay Pangulong Duterte sa mga darating na araw bilang pagsuporta sa pagsugpo sa illegal na droga at mga krimen sa bansa,” dagdag pa ni Ocon.

Ang CMP, ayon kay provincial police community relations head P/Supt. Ruben Piquero, ay aksyon ng kapulisan tungo sa kaayusan ng lugar na naglalayong maturuan at maging vigilant ang mamamayan.

“Nagfo-form tayo ng community na minomobilize within their group. Binubuo sila upang labanan ang would be intruders, kung may magwawala, sila rin yung magkokontrol.

In short, may components ito ng peace and order so sila yung huhuli then ituturn over sa barangay or dinadala sa police station para masampahan ng kaso so ito po ang pinaka-konsepto ng community mobilization program,” paliwanag ni Piquero.

Dagdag pa ni Piquero na dating nadestino rin sa Angono bilang police chief, may dalawang component ang CMP at ito ang social investigation at individual investigation.

“Yung community social investigation, yung mga bahay yung status ng mga nakatira diyan aalamin, ano ba klase ang naninirahan diyan, pangalawa ay iyong individual social investigation, ito iyong sa isang household na hinahanap kung sino yun magulang, ilan yung anak ano yun trabaho ng tatay ng nanay at ilan yung nanggagaling sa labas,” wika ni Piquero.

Sa pagsuporta naman ni Mayor Gerry Calderon sa programa ng Angono Police, lubos ang pasasalamat ni Angono police chief Agusin.

Nabanggit ni Agusin na naiorient na nila ang sampung barangay ng Angono kaugnay ng CMP.

“Binigyang diin natin dito na mahalagang sugpuin ang droga at krimen sa bawat komunidad. Pinapasalamatan ko ang lahat ng sumuporta sa programa. Ito ay para mapanatili ang kaayusan at ang peace and order,” wika ni Agusin.