Teksto at litrato ni Elida Bianca Marcial 
Correspondent

Ito ang mensahe ni Governor Rebecca ‘Nini’ Ynares kagabi, Lunes, November 27, 2017 sa pagpapailaw ng Yes to Eco-System o YES Christmas Tree ng munisipyo na ginanap sa liwasang bayan ng Angono.

Ayon kay Gov. Nini, ang Kapaskuhan ay sumisimbolo ng pagpapaalala at pagpapatawad.

“Ito ay kung gaano kamahal ng Diyos ang mga tao sa pagbibigay Niya kay Jesus Christ upang iligtas sa mga kasalanan,” wika niya.

Gayunman, ipinaalala ni Gov. Nini na ang pagmamalabis ng tao sa kalikasan ay nagdudulot na ng pagbabago ng temperatura at mga mapaminsalang sakuna sa mundo.

“Nais ko ipaalala sa inyo na kahit ano ang ating kasalanan, tayo ay kayamg patawarin ng Panginoon basta tayo ay nagsisisi at nagbabago ganoon Niya tayo kamahal;

“Subalit kung ang Diyos ay nakakapagpatawad sa ating kasalanan, nais kong ipaalala sa inyo na hindi ang kalikasan,” wika ng gobernadora.

Dagdag pa ng ina ng lalawigan, ang mga pagbabagong dinadanas ng mundo dahil sa climate change ay palala nang palala ang problema sa kalikasan.

“Ang temperatura ay tumataas na ng sa 1.5˚ Celsius na patuloy ng umiinit ang mundo, natutunaw ang kayeluhan sa karagatan, tumataas ang tubig sa dagat at ito ang pinagmumulan ng kalamidad.
Ngayong Pasko, magsilbi sana itong araw upang alalahanin ang pagmamahal ng Diyos sa tao sa magandang mundo ibinigay nito sa sangkatauhan,”‘ wika ni Gov. Nini.

Sa kanya pa ring mensahe, pinuri ni Gov. Nini ang mga programa ni Angono Mayor Gerry Calderon sa pagpapaigting na buhayin at linisin ang kapaligiran.

“Nang ako ay unang manungkulan bilang Punonglalawigan ay kasama ko na rin ng panahon na iyon si Mayor Gerry at talaga ako ay humanga sa kaniyang galing sa pag-iisip;

“Noon pa ay sinabi na niya na hindi ako maglalagay ng budget para sa garbage truck, sisiguraduhin ko na lang na mananalo kami para makuha namin nang libre ang mga garbage truck at ‘yung pera na dapat na ibudget para sa garbage truck, bibigyan ko nalang ng trabaho ang aking mga kababayan at iyon ang mga isweldo sa mga street sweepers at totoo nga, nanalo kayo noon,” wika niya.

Inisa-isa ni Gov. Nini ang mga parangal na natanggap ng bayan ng Angono sa YES to Green program tulad ng pagiging Top YES performer, cleanest waterways at limang barangay, San Pedro, Kalayaan, San Vicente, Sto. Nino at Mahabang Parang na may functional Material Recovery Facilities, na ang lahat ng karangalanan na ito ay may mga katumbas na isang garbage truck na nagkakahalaga ng isang milyon.

Sa kasalukuyan ay sampung garbage truck at mga tricycle ang napanalunan na ng Angono sa YES To Green Program ni Gov. Nini.

“Sa contest na ito na aking ginagawa pakonswelo lang yung papremyo, pero ke-pangit o maganda lahat tayo ay panalo sapagkat ginagawa natin ang recycling” paliwanag ni Ynares.

Ayon naman kay Arys Maniaol, host sa nasabing programa at Bottom Up Budgeting o BUB Coordinator ng munisipyo, ang mga plastic bottles na ginamit sa Christmas tree ay mulung irerecycle at gagamitan para sa paggawa ng mga souvenir items tulad ng mga higantitos.

“Ang mga plastic bottles na ito ay gagamitin para sa paggawa ng higantitos na ginagawa ng mga PWD at iba pang kasapi ng marginalized sector upang sila ay may mapagkakitaan at may maipambili ng bigas,” wika ni Arys.

Ang Christmas tree na pinailawan kagabi ay gawa sa mga recycled materials at dinesenyuhan ni Roland Vitor ng Angono Tourism at katuwang ang iba pang volunteers dito.

Bukod kay Gov. Nini at Mayor Gerry, dumalo din ang iba pang provincial, local at barangay officials.