Ulat ni Elida Bianca Marcial 
Correspondent

Sa pagsuporta ni Mayor Gerry Calderon, ibinida ng bayan ng Angono ang sining nito sa one-day fair na YES Rizal na may temang Sa Ugnayan Sisikat ang Lalawigan (Sining, Kultura at Turismo) na ginanap sa SM Masinag noong Sabado, September 30, 2017.

Ang aktibidad ay bilang selebrasyon nitong September bilang Buwan ng Turismo at itinampok ng Angono Tourism Office ang higante ng bayan at mga head dress na gawa sa mga recycled materials.

“One of the main activities is una performance ng bawat bayan, tayo andoon ang ating Regional Lead School for the Arts. Ipinapakita nito na ang talent ng bayan natin, ng artists natin ay dinedevelop natin through RLSA ipagpatuloy natin ineenhance,” wika ni Bernard.

Ang pagtitipon ay naglalayong mai-showcase ng bawat bayan ng lalawigan ng Rizal ang kani-kanilang yamang Turismo at produkto,

Ito ay nagsilbing 1-day Tourism fair na inorganisa ng Rizal Provincial Government. Naroon sa nasabing pagtitipon ang iba’t ibang bayan upang ipakita ang kanilang yaman. Hindi nagpahuli ang Angono sa sining nito kung kaya’t ang mga Higante ang bumida sa Tourism fair.

“Ang Angono ay hindi naman nagpahuli kasi kapansin-pansin doon ang presence ng Angono dahil although this is sa buong Rizal, ang Higantes ng Angono nasa entablado.

Hindi talaga nawawala ang Higantes bilang identity hindi lang ng bayan ng Angono kundi identity na rin to ng buong Lalawigan ng Rizal pagdating sa turismo,” paliwanag ni Angono Tourism officer Bernard Laca Jr..

Dagdag pa ni Bernard, ang mga ginawang head dress ay ayon sa YES sa recycled materials na programa ni Gov. Nini Ynares.

Nagtanghal naman ng folk dance ang mga estudyante ng Regional Lead School for the Arts bilang bahagi ng presentation ng Angono sa nasabing event.

Ang higante ay cultural icon sa Angono na kilala bilang ‘Art Capital of the Philippines’ at ‘Home of the Higantes Festival’ sa bansa.

Umusad na ang kahulugan nito mula sa simbolo ng protesta hanggang maging tatak ng kasiyahan at pagdiriwang.

Itinatampok na rin ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Gerry ang higante bilang ang mga karaniwang mamamayan ng Angono na nag-aambag — maliit man o malaki sa anumang larangan — para sa kabutihan at kadakilaan ng bayang pugad ng mga alagad ng sining.

Ang Higantes Festival na ginaganap bago ang kapistahan ng patron ng bayan tuwing November ay pasasalamat ng mamamayan at lokal na pamahalaan sa higanteng pagpapala na ipinagkaloob ng Panginoon at ng patron ng bayan na si San Clemente. (Kasama ang ulat ni Richard Gappi)