Ulat ni Richard R. Gappi
Pinangunahan ni Konsehal Jeri Mae Calderon, kahapon, October 5, 2017, bilang panauhin ang pagdiriwang ng World Pet Day na ginawa ng Blanco Family Academy sa Barangay San Vicente, Angono, Rizal.
Ayon kay Blanco Family Academy administrative officer Peter Paul Blanco, taun-taon itong gawain ng kanilang eskwelahan upang itampok ang pagpapahalaga at pagkalinga sa mga alagang hayop.
“Nagkaroon tayo ng anti-rabies vaccination, tapos po nagkaroon din po ng Flowerhorn Fish Show na pinamunuan po ng samahan sa Lalawigan ng Rizal ng Flowerhorn enthusiasts,” wika ni Peter Paul.
Dagdag pa ni Peter Paul, matagal na nilang ginagawa ang nasabing selebrasyon.
“Sana nga po pati po ibang school maeengganyo sa selebrasyong ito. Naituturo po kasi ang responsibility sa mga bata sa murang edad nila Para po ‘pag laki nila kasabay po ang salitang responsibilidad sa kanilang pamumuhay nang maging kapakipakinabang rin po silang mamamayan ng ating mahal na bayan,” paliwanag pa ni Peter Paul.
Nakatuwang ng nasabing eskwelahan sa selebrasyon ang Municipal Agriculture Office na nangasiwa sa pagbabakuna sa 59 na mga alagang pusa at aso.
Dumalo rin sina Konsehal Patnubay Tiamson at Jan Philip Hernandez at mga staff ng Agriculture office na pinamumunuan ng veterinarian na si Dr. Alejandro ‘Iding’ Medina.