Krimen sa Angono, bumaba; kapulisan nangangailangan nang humigit-kumulang P2 milyon para ipatupad ang Local Anti-Crime Action Plan

Ulat nina Richard R. Gappi at Elida Bianca Marcial
August 30, 2017; Miyerkules, 4:28PM

Bumaba ang bilang ng krimen at paglabag sa batas sa bayan ng Angono kung ikukumpara ang datos noong nakaraang taon at ngayong taon.

Ito ang ulat ni Angono police chief P/Supt. Col. Veronica Agusin sa pulong ng Angono Municipal Peace and Order Council o MPOC na ginanap kaninang Miyerkules ng tanghali, August 30, 2017, sa Conference Room ng Office of the Mayor.

Ayon kay Colonel Agusin, may kabuuang 251 na index at non-index crimes ang natanggap ng kapulisan mula January hanggang August 2016.

Kumpara ngayong January hanggang August 2017, may 203 lamang na naitalang krimen. Kung ikukumpara ang record, bumaba ng 48 o 19.12% ang incident crime sa bayan.

Ang index crime ay tumutukoy sa crimes against properties samantalang sakop naman ng non-index ang mga krimen at violation sa special laws tulad ng illegal drugs, rape at violation sa mga local ordinances.

Sa index crimes, base sa record, ang tatlong pangunahing asunto ay theft, robbery at physical injury.

Tuwing Sabado at Linggo din nangyayari ang mga insidente dahil na rin sa kasiyahan at mga inuman, pansin pa ni Colonel Agusin.

Sa nasabing pulong ng MPOC na dinaluhan din nina Mayor Gerry Calderon, department heads at mga kapitan ng barangay, iprinesenta din ng kapulisan ang kanilang LACAP o Local Anti-Crime Action Plan.

“This operation (LACAP) involves the maximum deployment of PNP mobile, motorcycle and foot patrol along the commercial establishments, pawnshops, banks to intensify police visibility in coordination with managers and security officers,” ayon sa LACAP document.

Nagkakahalaga ang LACAP nang humigit-kumulang P2 milyong at kabilang dito ang pagbili ng dalawang mobile cars, mga baril, bala, panggasolina at training sa mga barangay tanod.

Sa kasalukuyan, may 69 actual police force sa Angono police station na nangangalaga sa kabuuang 117, 213 na populasyon sa bayan.

Ibig sabihin nito, 1: 1, 699 ang ratio ng isang pulis Angono kumpara sa dami ng residente.

Base pa rin sa record, ang Angono police force ay may 68 short firearms, may 2 jeep, 2 motorcycle, 4 long firearms, at 7 hand-held radios para sa kanilang pagresponde.

Sinusuportahan ang kapulisan ng 30 kasapi ng BPATs o Barangay Peace Action Teams.

Bukod sa LACAP, iprinesenta din ng kapulisan sa pulong ang ACTS 4T o Anti-Carnapping Tips & Strategy for 4 Wheeler Cars and Trucks.

Ang plano ay bunsod na rin ng data na nakalap ng Angono police.

Noong January to July 2016, may 4 na kaso ng carnapping at motornapping. Tumaas ito sa 6 na insidente ngayong January to July 2017.

Upang maiwasan ang carnapping, ito naman ang mga tips na iminungkahi ng pulis sa publiko:

Maglagay ng alarm system; magkaroon ng tire clamp; maglagay ng GPS; at istriktong pagpapatupad ng ordinansa sa mga illegal park vehicles.

Samantala, matatandaan na noong Mayo 2017, naging numero uno ang Angono police station sa buong Region IV-A sa pagpapatupad ng Oplan Tokhang.

Sa kanyang mensahe, iniisa-isa ni Mayor Gerry Calderon ang kanyang mga physical rehabilitation projects na nagpaganda at nagpaayos sa bayan tulad ng mga parke at pagsuporta sa kampanyang BUSILAK na Buhayin ang Sapa, Ilog, Lawa at Karagatan ni Gov. Nini Ynares.

Iminumungkahi din ni Mayor Gerry na kilalanin ng Philippine Drug Enforcement Agency ang Barangay San Pedro bilang drug-free barangay.

Ipinahayag din ni Mayor Gerry ang kanyang full support sa kapulisan upang masigurado ang kapayapaan at kaayusan ng bayan.

Posted in ANGONO NEWS.