Mga pulis Angono na kontra sa squatting, pinarangalan

 

Ni Elida Bianca Marcial
Correspondent
August 25, 2017; Biyernes, 2:53PM

Pinarangalan ng lokal na pamahalaan noong Martes ng umaga, August 22, 2017 ang dalawang pulis ng Angono na mabilis na nagresponde upang huwag magtagumpay ang mga pumapasok na squatter sa bayan ng Angono.

Sina PO1 Joel Tawasil at PO3 Wolconnie Azucena ay binigyan ng sertipiko ng pagkilala nina Urban Settlement Development Office head Reynaldo Tan at Office of the Mayor chief of staff Alan B. Maniaol.

Ang nasabing dalawang pulis ang mabilis na humadlang sa grupong nais pumasok at mag-squat sa Maya Farm sa Barangay Mahabang Parang, Angono, Rizal na naganap noong August 12, 2017.

Kasama din sa naggawad ng pagkilala si P/Supt. Col. Veronica Agusin, ang hepe ng Angono police station.

Ang anti-squatting ang isa sa pinalakas na kampanya sa pamamahala ni Mayor Gerry Calderon.

Sa katunayan, ang matagumpay nitong ‘Zero Squatter Program’ at anti-squatting drive ang lahok ng lokal na pamahalaan sa Gawad Galing Pook ngayong taon.

Matatandaan na ang national agency na Housing and Urban Development Coordinating Council ay pinarangalan ang Angono bilang numero uno noong 2015 at pangalawa noong 2016 sa buong bansa kaugnay sa National Drive Against Professional Squatting and Squatting Syndicates.

Ang Angono Anti-Illegal Squatting Task Force ay binubuo ng Urban Settlement and Development Office, Public Safety Office-Civil Security Unit, mga barangal official at Angono Philippine National Police. (Kasama ang ulat ni Richard R. Gappi)

Posted in ANGONO NEWS.