Ulat ni Elida Bianca Marcial
Correspondent
Angono Public Information Office
July 11, 2017; Martes, 12:54PM

Iniutos noong Lunes, July 10, 2017 ni Angono, Rizal Mayor Gerry Calderon na laging siguraduhing malinis ang tubig na ipinagbibili sa bayan.

Ito ang atas ni Mayor Gerry sa mga water refilling distributor at opisyal ng Angono Safe Water Association na nanumpa sa kanilang panunungkulan kasabay ng lingguhang pagtataas ng bandila sa liwasang bayan.

Ayon kay Mayor Gerry, ang nasabing samahan ang makakatuwang ng lokal na pamahalaan sa pagmomonitor na malinis at ligtas ang tubig na ipinagbibili sa bayan.

Ang samahan ng mga water distributor sa bayan ay nabuo sa tulong na rin ng Angono Municipal Health Office na laging nag-iinspect at gumagabay sa nasabing samahan.

Sa partikular, ang grupo ay inasistehan ni Angono municipal medical technologist Gilbert Merino na nagbigay ng mga seminar tungkol sa pagbibisnis ng tubig.

Ayon pa kay Mayor Gerry, mapapansin na sa mga lalagyan ng tubig ay may selyo ito at aprubado ng lokal na pamahalaan na aniya’y patunay na na-inspect at malinis ito.

Pinaliwanag din ni Mayor Gerry na ang pagbubuo ng samahan ay pagpapalakas sa partnership ng lokal na pamahalaan at mga mangangalakal sa bayan upang masiguro ang maayos at mataas na antas na pagseserbisyo at pagnenegosyo.

Matatandaan na noong nakaraang taon ay pinag-aralan ng mga Japanese scientists ang tubig at mga source of water sa bayan ng Angono.

Nasa findings ng mga mananaliksik na naaayon sa standard ng World Health Organization ang kalinisan ng tubig at yamang-tubig ng bayan.

(Kasama ang ulat ni Richard R. Gappi)