Ulat nina Elida Bianca Marcial at Richard Gappi
Martes, October 3, 2017; 1:18PM
“Wala pang recognized na tricycle terminal sa SM Angono kung kaya’t ang kinikilalang taripa o fare matrix na sinusunod nito ay ang nasa RVTODA Terminal na nasa Rainbow Village malapit sa Angono Medics Hospital.”
Ito ang binigyang diin ni G. Rosauro Bautista, officer-in-charge ng Angono MTFRO o Municipal Tricycle Franchising and Regulatory Office nang kapanayamin ng Angono Public Information Office kahapon, Lunes, October 2, 2017.
Ang ginawang panayam ng Angono P.I.O. ay bunsod na rin ng maraming tanong, paglilinaw at angal na natatanggap ng Angono P.I.O. at ng aRNO o Angono Rizal News Online na katuwang ng Angono P.I.O. sa pag-uulat ng mga nangyayari sa bayan.
“Wala pa talagang terminal doon at temporary pa lamang. Binubuo pa lang, wala pa talagang fare matrix doon. Ang pinakabasehan niyan ay iyong RV TODA iyong naroon sa Medics dahil halos magkalapit lamang. Iyon lamang ang nagiging basehan,” wika ni G. Bautista.
Ayon pa kay Bautista, mahigpit na nagpapaalala ang MTFRO sa lahat ng mga pasaherong may reklamo dahil mataas o sobra ang sinisingil na bayad sa kanila ng mga tricycle driver.
“Maaari po kayong pumunta nang personal sa opisina ng MTFRO na nasa Angono Gym upang ito ay mapagharap. Kapag napatunayang over pricing ang nasabing driver, ito ay ating titikitan,” wika ni Bautista.
Pakiusap pa ni Bautista na huwag kaagad magpopost sa mga social media o Facebook ng kanilang mga reklamo at kaagad na lamang sumangguni sa opisina.
“Kunin na lamang din ang body number at TODA ng inirereklamong tricycle at kaagad ito’y ipapatawag upang magharap ang nagrereklamo at inirereklamo.
Kapag overpricing ay titikitan siya (driver) ng overpricing. Saka, halimbawa, kung sino iyong nagrereklamo siya mismo humarap, walang proxy,” wika ni Bautista.
Paalala pa rin ni Bautista sa mga driver, kailangang nakalagay sa loob ng tricycle ang taripa o fare matrix upang makita ito ng pasahero.
Nakasaad din sa fare matrix ang pagsunod sa pagbibigay ng discount sa mga senior citizen, PWDs at mga batang estudyante.
Tingnan ang larawang kalakip ng ulat na ito upang makita ang fare matrix/taripa mula SM Angono hanggang sa anumang lugar ng bayan.