Ulat ni Elida Bianca Marcial
Personal na nagpasalamat noong Lunes, July 17, 2017 at nag-courtesy call kay Angono Mayor Gerry Calderon ang mga kasapi ng Angono Wind Ensemble o AWE.
Ayon sa band conductor na si Prof. Rommel Gragera, malaki ang naitulong ni Mayor Gerry upang makalahok at manalo ang AWE sa marching band competition na ginanap sa Hong Kong noong nakaraang linggo.
“Isang usap lang namin kay Mayor, full support agad siya,” wika ni Gragera.
Dagdag pa ni Gragera, iniaalay nila ang kanilang nakuhang parangal sa mamamayan ng Angono, ang kilalang Angono, Rizal “Art Capital of the Philippines” at “Home of the Higantes Festival.”
Matatandaan na limang championship ang napanalunan ng Angono Wind Ensemble sa Hong Kong International Marching Band Competition 2017.
Ginanap ang kompetisyon sa nasabing Chinese city kung saan bukod sa Pilipinas, kalahok din ang mga banda mula sa Thailand, Korea, Malaysia at Hong Kong.
Ang kompetisyon, na may pahintulot ng World Association of Marching Show Bands, ay inorganisa ng All Hong Kong Marching Band Union.
“The competition is designed to promote the culture of Marching Show Bands and build up friendship between Hong Kong and International Youth,” wika ng organizer sa Facebook account nito.
Si Gragera na band conductor ng nasabing mosiko na nagrepresent sa bayan ng Angono ay Sangguniang Bayan awardee bilang natatanging mamamayan sa larangan ng Musika noong 2012.
Sa nasabing courtesy call, ipinamalas din ng AWE ang kanilang winning piece at performance.
Isa sa mga piyesa dito ang kanilang areglo sa Awit Kay San Clemente na patron ng bayan, na ang masayang himig ay tila maagang nagparamdam sa tinig ng kapistahan ng bayan.
Tumugtog din sila ng Happy Birthday para kay Konsehal Jeri Mae Calderon na nagbirthday noong Linggo, July 16.
(Kasama ang ulat ni Richard R. Gappi)