02/08/2023- Kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Sining ngayong Pebrero, binuksan sa Art Center sa Angono Lakeside Eco Park ang pinakabagong Art History Museum sa bayan, ang “Nonó”.
Sa pangunguna ni Mayor Jeri Mae Calderon, binuksan ngayong Miyerkules ng hapon ang “Nonó” na naglalaman ng mga natatanging koleksyon na tinipon ng Angono Cultural Heritage Office.
Ang Nonó ay naglalahad ng kasaysayan ng sining-Angono mula pa sa panahon ng kinikilalang 19th Century Angono Master Juan Senson kung saan ang kaniyang self portrait ay natatampok, at ang replika ng kaniyang obrang “Vista Parcial del Pueblo de Angono y Laguna de Bay” ay nakapinta sa pader ng galerya.
Isa sa mga ipinagmamalaking koleksyon ng pinasinayaang museo ay ang orihinal na monuscript ng “Readings on the History of Angono” na isinulat ng kababayang si Eugenio Lara taong 1969.
Makikita rin dito ang ilan sa mga obrang ukit naman ni Francisco Senson na mga busto ng ilang mga bayani kabilang ang kay Dr. Jose Rizal na siyang pinakamalaki sa mga koleksyong mula sa pag-iingat nuon ng ngayo’y Joaquin Guido Elementary School.
Ang pinakatampok at nasesentro ay ang 1950’s na 98″ x 50″ Oil on Plywood artwork ni Jose “Pitok” Blanco na pinamagatang “Mamumukot” na hinawian ng tabing ng mga piling panauhin kabilang na ang mga anak ng pintor.
Ayon kay Mayor Jeri Mae Calderon, mahalaga ang magiging papel ng Nonó lalo na sa mga kabataan upang kanilang malaman ang pinagmulan ng ating bayan.
Inaanyayahan naman ni ACHO Director Prof. James Owen Saguinsin na bisitahin ang Nonó lalo na ng mga paaralan. Aniya, simula pa lamang ito ng mga pangarap ng kanilang tanggapan, at ang kanilang layo’y maipreserba ang pagkakakilanlan ng ating bayan.
📷 Bernard Laca Jr.
PIO | Angono News
[foogallery id=”4922″]