Ni Elida Bianca Marcial
Correspondent
Iniabot ni Kirk Aguinalde, Project Development Officer ng DSWD Region IV-A kina Ms. Nancy Unidad ng Angono MPDC at Luisita Vestra, Social Worker Officer III ng Angono MSWDO ang tseke na may halagang P120, 000 para sa Abot Kamay ang Pangarap Association kaugnay sa proyektong Sustainable Livelihood Program (SLP).
Ginanap ito kahapon, Miyerkules, September 6, 2017 sa Conference Room ng Office of the Mayor.
Ang programang ito na sinusuportahan ni Mayor Gerry Calderon ay naglalayong bigyan ng pangkabuhayan ang mga 4P’s members.
“Tinutulungan natin silang makahanap ng trabaho through skills training. Halos guaranteed employment. Right now, yung SLP yung budget is naka-focus siya sa 4P’s as long as listed sila sa listahan ng DSWD na mahirap. In other cases naman, basta may certificate of indigency,” wika ni Aguinalde.
Ang SLP na dating Self-Employment Assistance-Kaunlaran (SEA-K) ay programa ng DSWD na ipinatupad noong 2011 na naglalayong matulungan ang mga beneficiaries nito na magkaroon ng hanap buhay.
Ito ay may dalawang klase: ang microenterprise development o ang pagbibigay ng maliit na negosyo, at employment facilitation na hinahanapan naman ng trabaho.
“Difference is, kami we are a completely separate program sa 4P’s parang magkadikit lang kasi ang main clients naming ay 4P’s members,” dagdag pa ni Aguinalde.
Ang mga negosyo na gagawin ng bawat grupo ay nakadepende sa mga beneficiaries na makakatanggap ng financial assistance. Ito ay maaaring rug making, commodity store o iba pang uri ng pangkabuhayan.
“Dagdag-puhunan ito sa mga negosyo nila. Ang pinaka-maximum nun is P10,000, that is depende sa negosyo sa pangangailangan nila.
Since sinasabi natin na ang SLP ay ginigrupo sila minimum of 5 in one group pinaaccredit natin sila kasi CSO o civil society organization para di tayo mahirapan imonitor and then yung P10,000 na ipinahiram nila kada tao ang gagamitin nila doon,” wika ni Aguinalde.
Sa kasalukuyan ay may 20 indibidwal na ang nabigyan sa bayan ng Angono.
Ang unang grupo ay sina Russel Piñon na nagtayo ng commodity store sa Lakesdie Eco-Park.
Ngayon ay grupo naman nila Connie Lagonos ng Abot Kamay ang Pangarap ay napagdesisyunang rug making business ang kanilang gawin.