TINGNAN | Ipinagdiwang ngayong araw, Pebrero 23, 2023, ang Ika-78 Taon ng Paglaya ng Bayan ng Angono mula sa mga Hapon noong World War II kasama ang Sons and Daughters Association Inc. at Sons and Daughters of Hunters Inc. na may temang “Pagpupugay sa mga Beteranong nagsilbi sa Bayan.”
Ang Sons and Daughters Association Inc. at Sons Daughters of Hunters Inc. ay binubuo ng mga miyembro ng pamilya ng mga sundalong nakipagbuno laban sa mga Hapon noong World War II. Sila ay nagtitipon taon-taon magmula noong 2013 upang magbigay pugay sa mga beteranong nanilbihan sa ating bayan.
Ayon kay Josephina Torres, na anak ng isang beterano, mahalaga ang pagdiriwang na ito lalo na para sa mga kabataan sapagkat kung hindi dahil sa mga beteranong sundalo ay hindi magiging malaya ang Pilipinas.
Sinimulan ni Hon. Bernard Joecel “BJ” N. Forbes, SK Federation President at Committee Chair on Tourism ang pagpupugay sa ating mga beterano sa pamamagitan ng pag-alaala ng kasaysayan ng ating bayan at sa mga ipinamalas na kabayanihan ng ating mga ninuno noong World War II.
Sumunod, nag-alay naman ng isang awitin si Binibining Grace Soleil San Pedro, apo ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Musika na si Maestro Lucio San Pedro.
Nagbigay naman ng mensahe ang beteranong pintor at manlililok na si Nemesio “Nemiranda” Miranda Jr. para sa mga anak ng mga beterano na nagbahagi ng kabayanihan hindi lang sa ating bayan, kung hindi sa buong bansa.
Si Nemiranda ay naglilok ng bantayog ng mga beterano sa Angono at Cardona. Mayroon din sa Dinalupihan, Bataan sapagkat doon ang naging Last Stand ng mga beterano upang ipagtanggol ang ating bansa.
Ganoon din sa Samar kung saan lumapag si Magellan. Gumawa rin siya ng mural monument sa MacArthur Park ukol sa pagdating ni McArthur sa Palo, Leyte.
Ayon kay Nemiranda, ang mga anak ng beterano ay nagsisilbi upang maging buhay ang mga alaala ng mga bayaning nagtanggol sa ating bayan. Ang Sons and Daughters ng mga beterano ay mananatiling aktibo upang magpaalala na hindi natin dapat kalimutan ang kanilang sakripisyo at kabayanihan. Ang mga anak ang magpapatuloy ng sinimulan ng kanilang mga magulang.
Naghandog din ng tula alay sa mga beterano si Ginoong Noel “CogCog” Vocalan na higante sa larangan ng sining at tanyag sa bayan ng Angono. Siya ang naglagay ng titik sa himno ng ating bayan.
Nagbigay naman ng huling kataga at mensahe si Mayor Jeri Mae E. Calderon, na isa ring apo ng beterano.
Ang artikulong ito ay sinulat ng
- Lakbayin intern (URS-Angono)
- Christian Figuracion
- Jeline Fellizar
- Tyrone Valdez
- Apolo Disimulacion
- Elaine Sarausos
- Reinabel Barcela
- Marian Joy Cortas
- Allec Dei Santos
[foogallery id=”5167″]