Ulat ni Elida Bianca Marcial
Correspondent
Angono Public Information Office
July 13, 2017; Huwebes, 10:13AM

Numero uno ang hepe ng kapulisan ng Angono Philippine National Police (PNP) sa buong Class A o 1st class municipalities sa buong CALABARZON.

Ito ay kaugnay na rin sa pagpapatupad ng Oplan Double Barrel o Oplan Tokhang na kampanya kontra sa iligal na droga mula Mayo 1-31, 2017.

Inianunsyo ito ni Police Region IV-A Director PCSupt. Ma. O R. Aplasca noong 2nd Command Conference na ginanap noong July 11, 2017 sa Camp Vicente Lim, Calamba, Laguna.

Si PSupt. Dennis Macalintal ang hepe ng kapulisan ng Angono sa nasabing panahon. Si Macalintal ay pinalitan bilang hepe ni Col. Veronica Agusin noong June 2017.

Nakakuha ang Angono PNP chief ng rating na 84.39%. Pumangalawa ang Nasugbu, Batangas PNP na may rating na 82.38%, at pangatlo ang Tanay, Rizal PNP na 82.14% ang rating.

Ang pagkilala ay patunay sa maigting na pagsugpo ng Angono PNP sa iligal na droga at pagsusumite ng mga ulat at requirements sa tamang panahon, ayon kay PO3 Dante Escober na community relations officer ng Angono PNP.

“1st place tayo, na-validate na natin, updated tayong ng mga bio profile, nag-comply kaagad tayo ng mas maaga na accomplished agad natin,” wika niya.

Base sa rekord ng mga operasyon ng Angono PNP, hanggang sa kasalukuyan ay may 84 anti-drug operations itong ginawa, 713 ang mga sumukong illegal drug personalities, 116 ang nahuling drug personalities.

May 761 ang napuntahang tahanan, at drug-free ang Barangay ang San Pedro, ayon kay Escober.

“Napagtagumpayan ito ng kapulisan sa tulong at suporta na rin ng lokal na pamahalaan ng Angono sa community-based rehabilitation program na pinangangasiwaan ni Mayor Gerry Calderon,” dagdag pa ni Escober.

Tinutukoy ni Escober ang GABAY program o Ganap na Pag-alalay para sa Bagong Buhay campaign ng lokal na pamahalaan sa mga illegal drug personalities na sumuko.

Ang GABAY ay anim na buwan na barangay-based physical at psycho-social intervention program ng munisipyo ng Angono para sa mga illegal drug personalities na sumuko.

Kalahok dito ang Angono Municipal Anti-Drug Abuse Council, Municipal Health Office, Municipal DSWD, Public Employment Service Office at mga civil society groups tulad ng mga pastor na nakatutok sa moral at confidence building measure ng mga illegal drug personalities na sumuko.

Ayon kay PO3 Escober, patuloy ang pagbibigay kaalaman sa ating kababayan patungkol sa kampanya sa illegal drugs.

“Patuloy tayong nagbibigay ng seminar o lecture ng sa gayon ay mababawasan o ma-peprevent natin iyon, kung wala kasing educational campaign, mapapariwa iyon,” wika ni Escober.

Bukod sa kampanya kontra sa iligal na droga, aktibo din ang Angono PNP sa pag-aresto sa mga most wanted personalities sa bayan.

“Ngunit ang commissions of crime nito ay sa ibang lugar at sa Angono lamang sila nahuli,” wika ni Escober.

Ang Angono PNP ay maaaring tawagan sa numerong 651-0061 o magmessage sa kanilang official Facebook account para sa oras ng emergency.

(Kasama ang ulat ni Richard R. Gappi)