Ni Elida Bianca Marcial
Correspondent

Ang federalismo ay isang sistema ng gobyerno na mas pinalawak ang kapangyarihan at pondo ng mga rehiyon at lokal na pamahalaan.

Ito ang impormasyong ipinapakalat ng DILG IV-A CALABARZON sa provincial dialogue ng Transition to Federalism na ginanap sa Bloomingdale Court kahapon ng Martes, November 28, 2017.

Dumalo dito ang mga punong barangay, kagawad at presidente ng PTA sa bawat barangay ng buong lalawigan ng Rizal.

Ang nasabing provincial dialogue ay pinangunahan ni Asec. Epimaco Densing III, Plans and Programs ng DILG, Provincial Director Noel Bartobalac, Governor ‘Nini’ Ynares, Mayor Gerry Calderon at Billy Ynez ng CSO, University of Rizal System.

Sa pag-iikot ng DILG, ipinapaliwanag nila kung anong anyo ng gobyerno ang Federalism na kung saan ang pambansang pamahalaan ay mananatili subalit ang ilan sa mga kapangyarihan nito ay ibabahagi na sa mga rehiyon sang-ayon sa iisang konstitusyon.

Dahil sa ganitong istruktura ng gobyerno ay madadagdagan daw ang pera ng mga pamahalaang lokal para sa pagpapatupad ng kanilang plano.

Ayon naman kay Gov. Ynares ay natitiyak niyang alam ni Pangulong Duterte na ang Federalismo ay malaki ang ikabubuti nito sa bansa.

“Nasisiguro ko ito ay alam niya, kung ano ang ating sitwasyon sa local government. Ako ay nagpapasalamat sapagkat ang DILG ay umiikot sa buong Pilipinas upang maipaliwanag kung ano ang federalism at naniniwala ako na ang ating pangulo, sa kanyang pananaw ang federalism ay makakatulong upang matugunan natin ang ating mga problema at pangangailangan,” wika ni Gov. Ynares.

Sa ilalim ng federalism, mahihikayat ang mga tao na makilahok sa proseso ng pagdedesisyon dahil dito ang mga lokal na pamahalaan ay tunay na kumakatawan sa mga tao at lumilikha ng puwang para umunlad ang pagkakaiba.
Mas magiging epektibo daw ang pamamahala dahil mas mailalapit ang pamahalaan sa mga mamayanan.

Naniniwala si Gov. Ynares na hindi dito nagtatapos ang pag-iikot ng DILG sapagkat ito ay patuloy na ipapakalat ang kaalaman kaugnay ng federalism.

“Ako ay umaasa na hindi pa ito magtatapos dahil wala pa iyong mga detalye sa ngayon;

“Kung paano pa lang ang essence ng federalism how does it work ang pinag-uusapan pero iyong iba pang bagay na nagbubuo sa federalism na gusto ipatupad sa bansa ay ipepresenta pa sa atin,” paliwanag ni Gov. Ynares.