Ulat ni Elida Bianca Marcial
Correspondent

“Hindi sumagi sa isip ko na ibulsa ang napulot kong pera sapagkat alam ko ang hirap ng pagtatrabaho para lamang kumita.”
Ito ang wika ni Lester Aure tungkol sa napulot niyang pera at pitaka habang naglalakad malapit sa San Martin Subdivision.

Si Lester ay kasalukuyang nagtatrabaho bilang safety officer sa Delta Earthmoving Inc.na isang contractor ng LaFargeHolcim Aggregates Inc.

Kahapon ng Lunes, October 2, 2017, binigyan ni Mayor Gerry Calderon ng sertipiko ng pagkilala si Lester dahil sa ipinamalas niyang kagandahang asal.

Ang napulot ni Lester na wallet at pera ay pag-aari at sinweldo ng isang empleyado ng munisipyo na nagngangalang Joshua “Joey” Fabi.

Ayon sa salaysay ni Lester, napulot niya ang pera sa San Martin Subdivision noong hapon ng September 29, 2017 habang naglalakad siya upang maghintay ng shuttle bus papasok ng trabaho.

Dagdag pa niya, akala ni Lester ay P500 lamang ang kanyang napulot na kaagad naman niyang ipinagtanong sa mga tao nasa paligid. “Ipinagtanong ko sa mga tao na nasa area na ‘yun, pero walang nag-claim,” wika niya.

Nang buklatin ni Lester ang wallet ay nalaman niya na P1,000 ito at may pay slip na may pangalang Joshua Fabi kung kaya’t nagkaroon siya ng pag-asa na maibalik ito.

Kaagad niyang ipinost ito sa Angono Buy and Sell group upang mahanap ang may-ari ng pera.

“Nag-trending ang post ko at may nag-chat po sa akin, si Madam Tracy Pascual. Kakilala niya po si Joshua “Joey” Fabi at pwede ko raw pong isauli ang pera sa tanggapan niya. Pumayag naman po ako pero biglang nag-chat sa akin ang asawa ni Joshua Fabi na nagsabi na siya ang nakahulog ng pera na napulot ko,” kwento ni Lester.

Ayon kay Lester, alam niya ang nararamdaman ng nawalan ng pera.

“Nangyari na rin po sa akin yan pero hindi naman naibalik sa akin, alam ko rin po ang pakiramdam ng nanakawan kaya sabi ko sa sarili ko kapag inangkin ko ang pera na napulot ko ay parang nagnakaw narin ako,” wika ni Lester.

Turo rin, aniya, ng mga magulang ni Lester na kung hindi mo gamit ay dapat isauli sa may-ari. “Turo po kasi ng mga magulang ko na kapag hindi sa’yo, huwag mong angkinin,” wika niya.

Proud naman si Lester na pinarangalan ng lokal na pamahalaan ang kanyang ikinilos.

“Noong natanggap ko ang Certificate of Appreciation ay tuwang-tuwa po, galak at proud po dahil sa simpleng nagawa ko ay na-acknowledge po ako ni Mayor Gerry,” wika ni Lester.