Ni Elida Bianca Marcial 
Correspondent

Nagbigay ng paalala ang kapulisan ng Angono sa publiko noong umaga ng Lunes, Novemeber 13, 2017 kaugnay sa pag-iinom sa kalsada kung may mga okasyon.

Ayon kay Angono police community relations office-in charge PO3 Dante Escober, na sa loob na lamang ng bahay mag-inom at iwasan ang gumawa ng gulo.

Sa paggamit naman ng videoke na makakaabala sa mga kapitbahay ay dapat alamin ang oras na ihinto ito. “Kung hanggang maaari ay ilagay nalang sa loob ng ating tahanan at kung iinom po tayo ay siguraduhin ipapasok sa tiyan at hindi po tayo magwawala,” wika ni Escober.

Dagdag pa ni Escober: “Huwag po tayo maging abala ng dahil sa ingay sa kapitbahay lalong lalo na yung ating mga videoke, alamin po natin kung anong oras, na hanggang alas-10 ng gabi lamang at dapat iminimize na ang ingay.”

Nakasaad sa municipal ordinance ng munisipyo ang Ordinance No. 074-1993 – PAGBABAWAL SA PAG-INOM NG ALAK SA PAMPUBLIKONG LUGAR AT MGA TINDAHAN WALANG PAHINTULOT UKOL DITO.

Gayunman, may mga exemption at ito ang mga sumusunod:
:
Ang pag-inom sa pampublikong lugar ay maaaring maganap sa mga araw na mayroong pagdiriwang ng mga taong walang sapat na espasyo sa kanilang lugar subalit kakailanganin ang pahintulot na nakasulat mula sa Punong Baranggay o Punong Bayan.

Kung labis na ang nagiging abala ay maaaring tumawag sa numerong 09214615382 ng kapulisan o di kaya’y magmessage sa kanilang Facebook account Angono Rizal PNP.

Gayun na rin sa mga kababayang nagbabalak na mag Christmas shopping sa pamilihan ay binigyang diin ni PO3 Escober na maging alerto lagi at nagbigay ng mga ilang paalala sa pag-iingat ng mga kagamitan.

Ayon kay Escober, kung hanggang maaari ay iwasang magdala ng sobrang pera, gadgets at kung ano pang bagay na hindi makakaakit ng mga kawatan sa kalye.

“Para makaiwas ng atensyon kung hindi na kinakailangan na gamit wag na dalhin, ang mga gadgets paka-ingatan para makaiwas sa laslas o snatching. Maging alerto lagi. Nasa atin pa rin ang responsibilidad ang kaligtasan natin at pag-iingat sa ating kagamitan” dagdag ni Escober.

Ang mga paalala na ito ay para mairaos ng matiwasay at masaya ang mga darating na okasyon.