Ulat ni Elida Bianca Marcial
Correspondent
Angono Public Information Office
July 10, 2017: Monday, 4:05PM

Inianunsyo ni Angono, Rizal Mayor Gerry Calderon na ang SM Foundation ay binabalak na kumuha ng lupa sa bayan ng Angono upang gawing workshop area para sa gagawing nursery o pagkukunan ng technology ng mga magsasaka at ng mga CLOA holders upang pagyamanin ang pagtatanim ng mga punongkahoy at ng mga gulay sa bayan.

Binanggit ito ni Mayor Gerry kaninang Lunes ng umaga, July 10, 2017 sa lingguhang pagtataas ng bandila sa liwasang bayan.

“Sa programang ito ay madadagdagan ang kabuhayan ng mga manananim at mapapangalagaan na rin ang ating kapaligiran,” wika ni Mayor Gerry.

Ang CLOA holders ay tumutukoy sa mga magsasakang benepisyaryo ng repormang agraryo na pinagkalooban ng Certificate of Land Ownership and Acquisition o CLOA.

“Iyong taga-SM Foundation, naghahanap sila ng isang lugar na magiging demo area…upang ang ating mga manananim ang itanim ay punongkahoy at mga gulay at hindi bahay. Para po ito sa Mahabang Parang at ilang bahagi ng ating bayan sa Poblacion Ibaba at sa isla sa tapat ng ating Laguna Lake,” paliwanag ni Mayor Gerry.

Ang panukala ng SM Foundation ay susuhay sa existing program ng bayan sa agrikultura.

“Sa pakikipagpulong ng inyong lingkod kina Sister Ester Rivera at Catholic Relief Service/BUSILAK, Joe Lamadrid at mga miyembro ng Saranay, at Dr. Alejandro Medina ng Municipal Agriculture Office, isinusulong ng bayan ng Angono ang pagsasaayos ng kapaligiran sa paglulunsad ng Tanimang Bayan sa Dulong Wawa.

Sa programang ito ay nilalayon nitong maisaayos ang kapaligiran at maging daan upang madagdagan ang kabuhayan ng manananim,” wika pa ni Mayor Gerry.

Ang BUSILAK ay programang Buhayin ang Sapa, Ilog, Lawa at Karagatan ni Gov. Nini Ynares.

Noong nakaraang linggo ay bumisita sa Angono si Joey Medina, General Manager ng Laguna Lake Development Authority o LLDA, upang pag-usapan ang mga proyekto at programa sa tabing-lawa.

Nabanggit din ni Mayor Gerry sa LLDA chairman ang waste water treatment area ng pamahalaang bayan na nasa San Martin Subdivision.

Ayon kay Mayor Gerry, ang Waste Water Treatment ay bilang pagtugon sa climate change adaptation program.

“Itong waste water treater natin, sa panahon ng tag-ulan at tag-araw, kung kailangan ng tubig, meron tayong nakareserba diyan – mga sampung drum ng ating tanker.

Ito ay bilang water reserve in case of calamity. Pwede lamang dito iyong kapag may sunog o ano pa man, pwede pagkunan ng tubig,” wika ni Mayor Gerry.

Kaugnay pa din sa agrikultura at programang muling paglulunti o regreening program ng bayan, binanggit ng punongbayan na magtatalaga siya ng isang agronomist.

“Siya ang may kaalaman sa agrikultura upang matugunan ang pagsasaayos ng kapaligiran ng bayan ng Angono. Dahil ang kinakailangan ng bayan ay ang sustainability sa mga environmental issues ng Angono,” pagtatapos ni Mayor Gerry. (Kasama ang ulat ni Richard R. Gappi)