Ulat ni Elida Bianca Marcial
Correspondent
September 4, 2017; Lunes, 3:34PM
Hinikayat SPO4 Rogelio San Juan ng Angono police ang bawat isa na labanan ang kriminalidad sa bayan ng Angono bilang pakikiisa sa National Crime Prevention Month ng Philippine National Police na may temang “Puso Para sa Kapayapaan, Magkaisa Para sa Bayan.”
Ginawa ni San Juan ang panawagan kaninang umaga ng Lunes, September 4, 2017 sa liwasang bayan sa paglulunsad ng Community Mobilization Program sa bawat barangay ng Angono.
Nilalayon nito na hikayatin ang bawat mamamayan na makiisang labanan ang kriminalidad hindi lang ang droga kundi maging ang iba’t ibang krimen.
“Iba pa rin po kung tayo ay magkakaisa at magbubuklod-buklod, sabi nga if we will mobilize the community, the crime might not have any space to happen here in Angono, Rizal,” wika ni SPO4 San Juan.
Nagsimula na ang community mobilization program noong September 2, 2017 sa Mahabang Parang at Kalayaan naman kahapon.
Kanina umaga naman ng 9am ay ginanap ito sa Barangay San Isidro samantalang sa Sept. 5 naman ay sa Brgy. San Roque, Sept. 6 sa Brgy. San Vicente, Sept. 7 sa Brgy. Sto. Niño, Sept. 8 sa Brgy. San Pedro, Sept. 9 sa Poblacion Ibaba, Sept. 10 sa Poblacion Itaas at Sept. 11 sa Bagumbayan ng 9am ng umaga.
“Ito po ay aming ina-announce po at ini-invite ang bawat mamamayan na makiisa patungo sa kapayapaan para maiwasan ang kriminalidad sa ating bayan,” dagdag pa ni SPO4 San Juan.
Kasalukuyang din nagsasagawa ng Social Investigation ang Angono PNP para ang bawat tao ay makilala.
“Isinasagawa po ito sa barangay, ikina-cluster ang bawat house or bawat bahay, purok at bawat sitio nagko-conduct po ang Angono Police Station,” ayon kay SPO4 San Juan.
Kung may krimen o concern ay maaari na ring ipaalam ito through text sa numerong 09214615382 at 09985985719 o ang Facebook page ng Angono PNP.
Matatandaan na bumaba ang bilang ng krimen at paglabag sa batas sa bayan ng Angono kung ikukumpara ang datos noong nakaraang taon at ngayong taon.
Base ito sa ulat ni Angono police chief P/Supt. Col. Veronica Agusin sa pulong ng Angono Municipal Peace and Order Council o MPOC na ginanap noong Miyerkules ng tanghali, August 30, 2017, sa Conference Room ng Office of the Mayor.
Ayon kay Colonel Agusin, may kabuuang 251 na index at non-index crimes ang natanggap ng kapulisan mula January hanggang August 2016.
Kumpara ngayong January hanggang August 2017, may 203 lamang na naitalang krimen. Kung ikukumpara ang record, bumaba ng 48 o 19.12% ang incident crime sa bayan.
Ang index crime ay tumutukoy sa crimes against properties samantalang sakop naman ng non-index ang mga krimen at violation sa special laws tulad ng illegal drugs, rape at violation sa mga local ordinances.
Sa index crimes, base sa record, ang tatlong pangunahing asunto ay theft, robbery at physical injury.
Nakakasa na rin ang LACAP o Local Anti-Crime Action Plan ng kapulisan at ang ACTS 4T o Anti-Carnapping Tips & Strategy for 4 Wheeler Cars and Trucks.