Ulat ni Elida Bianca Marcial
Correspondent
October 23, 2017; Lunes, 3:12PM
Iniendorso na ng Philippine National Police-Angono kay Mayor Gerry Calderon ang panukalang dapat kumuha ng special identification card ang lahat ng mga Muslim sa bayan.
Ang endorsement ay ginawa ni Angono PNP police chief Col. Veronica Agusin sa pulong ng Municipal Peace and Order Council na ginanap noong Biyernes, Oct. 20, 2017.
Ayon kay Colonel Agusin, ang AMIDS o Angono Muslim Identification System (AMIDS) ay magsisilbing identification ng bawat Muslim sa bayan dahil na rin sa naganap na terorismo sa Marawi.
“The Angono Muslim’s Identification System (AMIDS) is initiated in cooperation with Muslim Community and intelligence validation in partnership with the local government unit (LGU). All Muslim personnel residing and working within the municipality of Angono, Rizal are required to secure identification card for identification and security purposes,” wika ni Agusin.
Dagdag pa ng hepe: “Ang purpose nito is to protect the municipality from terrorism and to avoid making the town as enemy’s hideout. And identification and accounting of all Muslim community who have long been living in the town of Angono, Rizal,” wika ni Agusin.
Ayon pa kay Agusin, nakausap niya si Angono Muslim Affairs coordinator at Angono Muslim Community president Tony Latif na sumang-ayon din sa nasabing panukala.
“Ayaw naman natin mangyari dito sa ating bayan yung nangyari sa Marawi, sa mga Muslim brothers din natin. Ito ay nirerecommend, payag din ang mga Muslim brothers para kung sakali may gumawa ng hindi magandang bagay ay maiidentify. Ang main purpose nito is anti-terrorism,” dagdag pa ni Agusin.
Ayon pa sa hepe, kailangan na lamang ng formal endorsement ng local government unit.
Ang I.D. ay iiissue at required sa bawat Muslim na may edad 18 pataas na naninirahan at nagtatrabaho sa bayan ng Angono.
Ang mga kinakailangan para sa ID na ito ay biodata, endorsement mula kay Tony Latif, barangay clearance na patunay na naninirahan na sa bayan sa loob ng anim (6) na buwan mula sa barangay chairman, at endorsement mula sa Chief of Police ng Angono PNP.
Ang mga requirement ay iva-validate at ipoproseso ng Angono PNP at ie-endorse sa local government unit upang aprubahan.
Sa nagdaang sigalot sa Marawi, nagproklama si Pangulong Rodrigo Duterte ng Proclamation No. 216 na 2017 o Martial Law at suspension ng privilege of the writ of habeas corpus sa buong Mindanao na inissue noong May 23, 2017. Dahil sa naganap na gulo sa Marawi, maaaring may tumakas sa Mindanao at pumunta sa ibang bahagi ng bansa para makapanggulo, ayon pa kay Agusin.
Sa naging panayam naman ng Angono Public Information Office kay Tony Latif, sinabi niyang malaking tulong ang I.D. sa kanilang grupo para malaman nila ang mga pumapasok na bagong Muslim sa bayan.
Hindi rin ito umano nagiging labag sa kanilang karapatan o maging isang diskriminasyon sa kanila.
“Ok lang iyon, napakalaking bagay sa amin niyan, una na-iidentify natin iyong mga baguhan, iyong mga dati na kung saan sila nakatira, pangalawa mabibilang natin kung ilang ang Muslim dito at pangatlo iyong mga terrorist na bago, malalaman namin iyon,” wika ni Latif.
Taong 1980s pa nang manirahan si Latif sa bayan ng Angono at ayon sa kanya ay nasa 300 na ang Muslim sa bayan. Karamihan dito ay Maranao at naninirahan sa bawat barangay ng Angono.
Ayon pa kay Latif, ang mga Muslim sa Angono ay nagnenegosyo at may malaking ambag sa ekonomiya ng bayan.
Pinasalamatan din ni Latif ang lokal na pamahalaan dahil sa naitutulong ng mga opisyales sa Muslim community.
“May inorganisa si mayor na Muslim federation para dito naayos namin ang mga problema na pangunahin ay mga hindi pagkakaunawaan sa mga mamimili na nareresolbahan naman kaagad namin. Malaki ang naitutulong ng pamahalaan sa amin sa mga pangangailangan namin,” wika ni Latif.
Ang nasabing ID ay libre.