Nina Richard R. Gappi at Elida Bianca Marcial

(Caption: Ang viral nang litrato na patunay sa mali at malisyoso na Facebook post; ang litrato ni G. Alberto Florentino III mula sa kanyang Facebook account)

Papunta na sa National Bureau of Investigation o NBI ngayong araw, Miyerkules, August 23, 2017 ang lalaki at ang kanyang mga kamag-anak na tiga-Angono upang magreklamo at sampahan ng kaso ang isang netizen na malisyoso at mapanlokong ginamit ang kanyang larawan upang pagbintangang ang lalaki umano sa litrato ang pumatay kay Kian delos Santos.

(Related Story: Ulat ng Angono P.I.O. at Angono Rizal News Online, iniulat din ng GMA News Online: http://www.gmanetwork.com/…/man-with-robredo-in-pho…/story/…)

Sa panayam ng Angono Public Information Office ngayong araw kay Cristie Calderon, desidido sila umanong magsampa ng kaso dahil sa paninirang puri o anumang kaukulang kaso.

Si Calderon ang partner ni Alberto Florentino III, 54 taong gulang. Si Florentino ang lalaki na nasa litrato (tingnan ang post) na malisyoso at mapanlokong ginamit at ipinost sa Facebook.

Ang nagpost sa nasabing litrato ay isang Aina Castillo noong August 21, 2017. Nilagyan ni Castillo ng caption ang nasabing litrato ni Florentino na pulis umano at pumatay kay Kian delos Santos.

Sulat pa ni Castillo, ‘Yan ang pulis na bumaril sa anak ninyo, kasama ni fake VP Leni…kayo na humusga dito.”

Ang nasabing post-comment ni Castillo ay ni-repost – pangunahin ng mga Facebook sites na supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte at vice-presidential loser Bongbong Marcos — at libo-libo na rin ang share kung kaya lumaganap ang maling paratang kay Florentino.

Ayon kay Calderon, si Florentino ay kanyang partner at nakatira sa E. Dela Paz sa Barangay San Pedro, Angono, Rizal.

Umeextra din bilang Uber taxi driver si Florentino na dati ring naging volunteer staff-driver sa Office of the Mayor ng Pamahalaang Bayan ng Angono, dito sa lalawigan ng Rizal.

Dagdag pa ni Calderon, malayong gawin ni Florentino ang bintang ni Castillo dahil hindi naman pulis si Florentino, at lalo pa, deboto ng Mahal na Poong Nuestro Padre Jesus Nazareno si Florentino.

Ang nasabing litrato na malisyoso at mapanlokong ginamit ay kuha sa pamahalaang bayan ng Angono nang mangampanya noong nakaraang taon si ngayo’y Pangalawang Pangulo Leni Robredo.

Si Kian delos Santos ang 17 taong gulang na pinatay ng mga pulis sa Caloocan kamakailan dahil nanlaban umano sa mga rumerespondeng pulis sa illegal drugs operation, bagay na pinasinungalingan ng mga expert witness.

Samantala, anim na oras bago unang mailathala ang balitang ito, nakontak muli ng Angono Public Information Office si Calderon upang kuhanan ng update.

Ayon kay Calderon na nasa biyahe ngayon papauwi galing sa NBI, nakapagsampa na sila ng kaso. Maya-maya’y ibibigay sa atin ang detalye ng kaso dahil lowbat na siya ngayon.

Kinontak at nag-pm na rin ang Angono Public Information Office sa private message ni Castillo upang kunin ang kanyang panig: kung siya mismo ang nagpost, kung na-hack ba ang kanyang FB, o kung bakit lumabas ang kanyang post na naglalaman ng nasabing mga mensahe at larawan.