Tanim ng mga urban farmers ng Angono, direktang bibilhin ng SM Foundation

Ulat ni Elida Bianca Marcial 
Correspondent

Kasalukuyang nag-aaral ng urban farming ang mga 4Ps at CLOA holders association ng Mahabang Parang members sa training at program na inihanda ni Mayor Gerry Calderon katuwang ang Harbest Agritech Services, Angono Municipal Agriculture at SM Foundation.

Ag pag-aaral at training ay nagsimula noong August 10, 2017 at tatagal hanggang sa November 10, 2017 na magsisilbing harvest season nito. Pinangangasiwaan ito ng Agriculture Office sa pamumuno ni Dr. Alejandro ‘Iding’ Medina.

Layunin ng programa na turuan ang mga magsasaka na magtanim ng mga gulay at prutas kahit walang malaking lupa.

Ang urban farming ay ang pagtatanim sa paso, sako, plastic bottles na hindi kinakailangan ng malaking lupa upang makapagtanim.

Ayon sa greengrows.org ito ay “the practice of cultivating, processing, and distributing food in or around a village, town, or city”.

“Ang urban farming natin kahit wala kang lupa kahit semento yan pwede natin itanim ‘yan mga sako, mga balde, mga plastic na pwede pakinabangan. Kahit mga sitaw, talong, kalabasa, upo pwede siya itanim diyan,” paliwanag ni Rowmel Feliciano, presidente ng Farmers Federation sa bayan ng Angono at bise presidente ng sa buong Rizal.

Si Feliciano rin ang may-ari ng lupang ipinahiram para sa nasabing techno-demo farm project na ito na sponsor ang SM Foundation.

Ang nasabing training ay ginaganap tuwing Miyerkules sa Brgy. Mahabang Parang.

Inaasahang aanihin ang iba’t ibang tanim tulad ng vaiety ng honeydew, melon, pakwan at mga hybrid crops na gulay na pang-pakbet at chopsuey.

Ang mga ani na ito ay direkta namang bibilhin ng SM Foundation na siyang nag-provide ng mga seedlings at bilang livelihood assistance sa mga nagtatanim.

 

Mayor Gerry, full support sa Angono Junior Ateliers reunion exhibit sa Nov. 4

Nag-courtesy call si Angono artist Aaron Bautista kay Mayor Gerry Calderon ngayong Miyerkules ng umaga, Oct. 25.

Nagpahayag ng pagbati at full support ang punongbayan sa reunion exhibit ng nasabing grupo na pinamagatang Muhon (Paglingon at Pagsulong).

Gaganapin ang opening ng exhibit sa November 4, 2017, Sabado, 6:00PM sa Angkla Art Gallery.

Si Aron, na kagawad din ng Barangay Poblacion Ibaba, ang coordinator ng exhibit at gallery na pag-aari ni Ma’am Joy Vocalan Cruz.

Kabilang sa mga kalahok ang mga sumusunod na artists:

Rani Blanco 
Alvin de las Alas 
Wire Rommel Tuazon 
Carlos Totong Francisco II 
Bernardo Balagtas 
Isidro Manong Jon Santos 
Keiye Miranda Tuazon 
Aaron Bautista 
Allan Alcantara 
Dolpee Alcantara 
Rey Balajadia 
Charlie Val 
Manny Bacani
Marvin Ogie Villegas
Mylene Buenaventura
Viktor Villamil 
Omar Blanco 
Nogie Blanco 
Raymond Gappi
John Jingle Flora 
Jon del Rio 
Ogie Salmorin 
Melvin Quitasol
Elmer Lacanaria 
Grets Balajadia

Magkakaroon din ng Artists Talk na pangungunahan ni Richard Gappi sa ganap na 5:00PM.

Ang Angkla Art Gallery ay located sa 3rd floor ng .CPV Bldg., Angono-Binangonan boundary, Manila East Road cor. Col. Guido Street, Brgy. Pag Asa, Binangonan, Rizal.

Bukas ang gallery mula 12:00 PM to 7:00PM, Lunes hanggang Sabado.

Sakaling may katanungan, tumawag o magtext sa 09176435000.

Ang exhibit ay itinatampok din ng Office of the Mayor Gerry Calderon at Municipality of Angono, Angono Tourism Office at Serbisyong MAE Puso.

Mga kawatan ngayong 3rd quarter, sinasamantala ang pagkakataon, ayon sa kapulisan

Ni Elida Bianca Marcial 
Correspondent

Sa naitatalang mga nakawan ngayon sa bayan ng Angono, mahigpit na paalala ni Angono Police Chief Col. Veronica Agusin sa lahat na higit na maging maingat upang hindi manakawan o masalisihan.

Ngayong 3rd quarter, theft ang naitalang pinakamataas na kaso na umabot sa 14, lima naman sa robbery na aabot ng 19 na kaso.

Sa 19 na kasong ito, labing-isa (11) ang solved cases kung saan naaresto na ang mga suspek at nakapagsampa na ng kaso, isa ang cleared case, at pito pa ang uncleared dahil hindi pa identified ang suspect.

Pansin ni Agusin, tuwing 3rd quarter ng taon ay dumadami ang mga kaso.

“Kasi ‘pag December, mataas ang demand. Kailangan ng pera and then usually ‘pag holidays, marami festivities, mga bahay nasalisi, saka yung malalaking establishments, ‘wag na mag-iwan na ng pera kung hindi ibangko na lang prevention din iyon,” wika ni hepe..

Ayon kay Agusin, ang mga hakbang na ginagawa ng kapulisan upang maresolbahan ang mga krimen sa bayan ay ang pinaigting na police visibility, pagpapatrolya sa bawat barangay lalo na sa mga may mataas na naitalang insindente ng theft at robbery, pagbibigay ng crime prevention tips sa pamamagitan ng community mobilization, paging systems, distribution of flyers at ang paggamit ng Facebook bilang social media platform at ang iba pang intervention kagaya ng checkpoints.

Pinaliwanag ni Agusin kung ano-anong factors sa mga nagaganap na krimen, una rito ay ang motibo ng kriminal, instrument gamit ng criminal, at opportunity na magmumula sa mga tao na ito.

Ayon pa kay Agusin, may maitutulong ang community at mga tao.

“’Pag hindi nila binigyan ng window of opportunities itong mga magnanakaw, like ilock yung doors, isecure iyong mga windows, mga motor nila mga bike dapat nakakadena, yung mga sasakyan dapat may alarm system iyon ang mga prevention,” paliwanag pa ni Agusin.

Pahayag pa ni Agusin na kailang maging vigilant o alerto.

“Be vigilant always, secure their respective homes kasi hindi kaya kasi, as of now, 1:1,700 ang police-population ratio natin so itong community mobilization natin, ito ang purpose niya, ito ay para mamobilize lahat ng tao maging vigilant, be aware, at ireport sa kapulisan,” wika ni Agusin.

Mayor Gerry, panauhin sa ABS-CBN News Channel talk show dahil sa Galing Pook Award na natanggap ng Angono

Ni Richard R. Gappi

Nagte-taping ngayong Martes ng tanghali, Oct. 24, 2017, ang talk show na ‘Talkback’ kung saan panauhin sina Angono, Rizal Mayor Gerry Calderon, San Felipe, Zambales Mayor Carolyn Farinas, at Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian.

Ang ‘Talkback’ host ay si Karmina Constantino at ipapalabas ito sa Lunes, 7:30PM, Oct. 30, 2017 at may replay sa Martes, 1:00PM.

Ang Angono, San Felipe, at Valenzuela ang tatlo sa 10 pinarangalan ngayong taon ng Galing Pook Award ng Galing Pook Foundation.

Ang iba pang pinarangalan dahil sa kanilang husay ay ang San Luis, Aurora; Cagayan de Oro City; San Nicolas, Ilocos Norte; Palompon, Leyte; Davao del Norte; General Santos City; at Pasig City.

Ang 2017 Galing Pook Award ay nagbibigay ng pagkilala sa mga local government unit na may kakaiba, natatangi at inobatibong programa at proyekto.

Ngayong 2017, may 158 entry mula sa buong bansa ang nagsumite sa nasabing foundation.

Isa sa Top 10 o national winners ang bayan ng Angono dahil sa successful at sustainable economic program nito, partikular ang matagumpay na pamamalakad sa Angono public market, Zero Squatter Program at Zero Basura.

Si dating Marikina Mayor Marides Fernando ang chairman ng Gawad Galing Pook Foundation.

Binubuo ang foundation ng mga akademista, businessmen, mga dating opisyal sa antas lokal at pambansa, mga taga-DILG, mga taga-Landbank, at mula sa civil society groups at non-government organizations. 

Tara na’t lumahok sa 3rd HIGANTENG PADYAK PARA SA KABATAAN FUN RIDE sa November 12, 2017 (Sunday), 6:00 AM sa Angono, Rizal. Ang registration fee ay nagkakahalagang Php 300 (FREE: jersey, meal and raffle ticket).

“We are inviting all cycling enthusiasts to participate in the 3rd HIGANTENG PADYAK PARA SA KABATAAN Fun Ride. This event is co-organized by Skylark’s Bike Shop, Bikes for the Philippines and the Regional Lead School for the Arts in Angono (RLSAA).
The event, which is a part of the month-long celebration of the Higantes Festival in Angono, Rizal will be held on Sunday, November 12, 2017. It will kick-off at 6:00 AM at the Angono Municipal Hall.

BENEFICIARIES
This fun ride aims to raise funds for the benefit of the Senior High School program of the Regional Lead School for the Arts in Angono (RLSAA). The Senior High School program is composed of several former out-of-school youth and students from poor families who cannot afford to send their children to school. These students are artists who are undergoing special training in RSLAA. The Bikes for the Philippines Foundation under the leadership of Mr. Joel Uichico has donated bikes to 3 batches of students already to help these students get to school every day and avoid dropping out of school. The proceeds of this FUN RIDE will be donated to RSLAA to help the students purchase the needed art materials and other school needs.

REGISTRATION FEE
Registration fee is Php 300 which includes a jersey, meal and raffle ticket. This is open to all cyclists (newbies, amateur, professional, kids, etc.) and to any kind of bike (MTB, Road, BMX, Fat, Folding, Fixie, Single Speed, etc.).

ROUTE
Route is from Angono Municipal Hall to Tikling in Taytay, Rizal via Baytown Road and Club Manila East then back to Angono Lake Side Park (Wawa). It will cover more or less 15 kilometers. Since this is a FUN RIDE, pace will be between 10-15 kph.

A culminating program will follow the fun ride where meals will be distributed and raffle will be held.

HOW TO REGISTER?

Register at:
Skylark’s Bike Shop – Taytay Branch 
118 Manila East Road, Brgy. Muzon, Taytay, Rizal
Skylark’s Bike Shop – Cainta Branch 
42 Felix Ave., Cainta, Rizal.
Beside Arnaiz Hospital, 500 meters away from Sta Lucia Mall.

You may register also ONLINE:

Deposit your registration fee at any BDO branch. Account name is SKYLARK’S BIKE SHOP with CURRENT Account Number: 002148024901.

After depositing your registration fee, email us a copy of your deposit slip. Send it to skylarkbikes@gmail.com. Then, register at the official registration list by clicking this link: http://tinyurl.com/higantengpadyak3

Deadline of registration is on November 10, 2017.

For more information, you may call tel:534-5783 and 727-2934 or SMS 0920-8987484 and 0918-4586800.

See you there!” — Mula sa mga organizers.

Alam nyo ba na hanggang sa ilang taon matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1945 ay dalawang ulit nagdiriwang ng kapistahan ang bayan ng Angono?

Teksto ni Richard R. Gappi

Ang una ay ang Pista ng Tag-ulan tuwing November 23 at ang ikalawa ay ang Pista ng Tag-araw na ginaganap sa alin mang petsang mapagkakaisahan sa pulong pambayan sa buwan ng Pebrero.

Natigil ang Pista sa Tag-araw magmula nang ang Lawa ng Laguna ay maghirap at ang mga palakaya ay hindi na manghuli.

Nagsimulang humina ang palakaya at pukot noong 1948 at kumaunti ang mga kanduli. Maraming pukot ang tuluyang nabarada o natigil at maraming mga mamumukot ang nawalan ng hanap-buhay.

Hindi handa sa ganoong pangyayari ang mga taga-Angono. Nakadama sila ng paghihikahos. Noon naisipan ng mga mamamayan at kabataan na mamasukan sa mga pabrika.

Ang impormasyong ito — at ang mga larawan ng Simbahan, Pagoda, Parejadora at Lawa ng Laguna bandang 1966 — ay isinulat at itinala ni Nemesio B. Miranda Sr., na naging bise alkalde ng bayan at pangulo ng Angono Parish Council ng Parokya ni San Clemente noong 1966.

Nailathala ito sa Pang-alaalang Magasin Para Sa Kapistahan Ni San Clemente I Papa at Martir noong Nobyembre 23, 1966 na ang Lupong Patnugutan ay sina Atty. Paterno G. Tiamson, Mr. Nemesio Miranda, Mr. Nestor Vocalan, at Mr. Apolonia B. Miranda.

Inilathala ang magasin ng Pambayang Lupon sa Pista ni San Clemente na ang pangulo ay si G Eusebio Picones.

May dagdag na impormasyon mula sa ‘Malayang Pamahalaan ng Konseho Munisipal’ magasin na souvenir na inilathala noong November 12, 1968.

Ang kopya ng nasabing dalawang magasin ay nasa pag-iingat at pangangalaga ng Angono Municipal Committee on Cultural Heritage at Angono Municipal Library.

Mula sa isang Angono P.I.O. at Angono Rizal News Online reader at concerned citizen: Mag-ingat sa mandurukot

“Hi po from Taytay po ako pero working here at Angono.

Paki-advise na lang po residents ng Angono na mag-ingat at lagi maging alisto kapag nakasakay ng jeep. Meron po kasi gumagala na mandurukot dyan sa bandang Baytown siya sumasakay, balikan lang.

Kanina, Lunes, Oct. 23, na-encounter ko siya for the third time, sayang lang di ko na picturan o navideohan.

Lalaki siya na 30-40 ang edad. Lagi naka-white t-shirt. May tattoo sa forearm at lagi may dala stringbag. Lagi siya naniniksik at napakalikot ng mata niya.

Sana po maabisuhan ‘yung mga tiga-Angono na mag ingat.

Salamat po.”

Special I.D. para sa mga Muslim sa Angono, ipapatupad bilang pangkontra sa terorismo

Ulat ni Elida Bianca Marcial
Correspondent
October 23, 2017; Lunes, 3:12PM

Iniendorso na ng Philippine National Police-Angono kay Mayor Gerry Calderon ang panukalang dapat kumuha ng special identification card ang lahat ng mga Muslim sa bayan.

Ang endorsement ay ginawa ni Angono PNP police chief Col. Veronica Agusin sa pulong ng Municipal Peace and Order Council na ginanap noong Biyernes, Oct. 20, 2017.

Ayon kay Colonel Agusin, ang AMIDS o Angono Muslim Identification System (AMIDS) ay magsisilbing identification ng bawat Muslim sa bayan dahil na rin sa naganap na terorismo sa Marawi.

“The Angono Muslim’s Identification System (AMIDS) is initiated in cooperation with Muslim Community and intelligence validation in partnership with the local government unit (LGU). All Muslim personnel residing and working within the municipality of Angono, Rizal are required to secure identification card for identification and security purposes,” wika ni Agusin.

Dagdag pa ng hepe: “Ang purpose nito is to protect the municipality from terrorism and to avoid making the town as enemy’s hideout. And identification and accounting of all Muslim community who have long been living in the town of Angono, Rizal,” wika ni Agusin.

Ayon pa kay Agusin, nakausap niya si Angono Muslim Affairs coordinator at Angono Muslim Community president Tony Latif na sumang-ayon din sa nasabing panukala.

“Ayaw naman natin mangyari dito sa ating bayan yung nangyari sa Marawi, sa mga Muslim brothers din natin. Ito ay nirerecommend, payag din ang mga Muslim brothers para kung sakali may gumawa ng hindi magandang bagay ay maiidentify. Ang main purpose nito is anti-terrorism,” dagdag pa ni Agusin.

Ayon pa sa hepe, kailangan na lamang ng formal endorsement ng local government unit.

Ang I.D. ay iiissue at required sa bawat Muslim na may edad 18 pataas na naninirahan at nagtatrabaho sa bayan ng Angono.

Ang mga kinakailangan para sa ID na ito ay biodata, endorsement mula kay Tony Latif, barangay clearance na patunay na naninirahan na sa bayan sa loob ng anim (6) na buwan mula sa barangay chairman, at endorsement mula sa Chief of Police ng Angono PNP.

Ang mga requirement ay iva-validate at ipoproseso ng Angono PNP at ie-endorse sa local government unit upang aprubahan.

Sa nagdaang sigalot sa Marawi, nagproklama si Pangulong Rodrigo Duterte ng Proclamation No. 216 na 2017 o Martial Law at suspension ng privilege of the writ of habeas corpus sa buong Mindanao na inissue noong May 23, 2017. Dahil sa naganap na gulo sa Marawi, maaaring may tumakas sa Mindanao at pumunta sa ibang bahagi ng bansa para makapanggulo, ayon pa kay Agusin.

Sa naging panayam naman ng Angono Public Information Office kay Tony Latif, sinabi niyang malaking tulong ang I.D. sa kanilang grupo para malaman nila ang mga pumapasok na bagong Muslim sa bayan.

Hindi rin ito umano nagiging labag sa kanilang karapatan o maging isang diskriminasyon sa kanila.

“Ok lang iyon, napakalaking bagay sa amin niyan, una na-iidentify natin iyong mga baguhan, iyong mga dati na kung saan sila nakatira, pangalawa mabibilang natin kung ilang ang Muslim dito at pangatlo iyong mga terrorist na bago, malalaman namin iyon,” wika ni Latif.

Taong 1980s pa nang manirahan si Latif sa bayan ng Angono at ayon sa kanya ay nasa 300 na ang Muslim sa bayan. Karamihan dito ay Maranao at naninirahan sa bawat barangay ng Angono.

Ayon pa kay Latif, ang mga Muslim sa Angono ay nagnenegosyo at may malaking ambag sa ekonomiya ng bayan.

Pinasalamatan din ni Latif ang lokal na pamahalaan dahil sa naitutulong ng mga opisyales sa Muslim community.

“May inorganisa si mayor na Muslim federation para dito naayos namin ang mga problema na pangunahin ay mga hindi pagkakaunawaan sa mga mamimili na nareresolbahan naman kaagad namin. Malaki ang naitutulong ng pamahalaan sa amin sa mga pangangailangan namin,” wika ni Latif.

Ang nasabing ID ay libre.

Ace of Spades, nagpakitang gilas

Ni Elida Bianca Marcial
Correspondent

Nagpakitang gilas ng kanilang winning moves sa municipal plaza ngayong umaga ng Lunes, October 23, 2017 ang mga batang taga-Angono na kabilang sa grupong Ace of Spades.

Ang grupo ay kinabibilangan ng mga batang may edad na 10 years old hanggang 14 years old at choreographer nila ay si Ace Goto.

Ang Ace of Spades ay nag-uwi na ng mga karangalan kagaya ng champion, Star Got Talent 2015 sa Camp Crame; champion, Binangonan Talent Search 2015; 3rd place, Alaska Dance Contest 2016; champion, Pag-Asa Got Talent 2016 sa Cardona; champion, Tatala Dance Contest 2017 champion; 1st runner up, Elite International 2017;

3rd place, Salubungang Hardin Morong 2017; 2nd place, Bamchetto 2017 (Tagpos); champion, Tagpos Car Show Dance Contest 2017; champion, Saya’t Sayaw sa Marilao, Bulacan Dance Contest 2017; champion, Las Piñas Dance Contest 2017; champion, Hataw Sayaw Pasiklab sa Tayuman Dance Contest; champion, Setsukoi Dance Battle 2017 sa San Lorenzo Taytay, Rizal; champion, SM Angono Street Style Dance Contest 2017; champion, IVC Barangka Dance Contest 2017 sa Barangka, Marikina;

Champion, Hype Philippines Battle for a Crown 2017 sa Century Mall Makati City; 3rd place, Denha Battle of the Champions sa Cabuyao, Laguna; 3rd place, Champions Tour 2017 sa Tanghalang Pasigueño; back-to-back champion sa Royalty National Dance Battle 2017 sa Valenzuela City sa varsity at school division; at 1st runner up, Dance Off Dream Play sa City of Dreams Manila.

Ang grupo ay nagsimula noong 2015 sa pagsasayaw na kanila lamang libangan hanggang sa nakitaan sila ng potensyal para lumaban sa mga patimpalak.

“Noong nagsimula sila ng 2015 malaki na ang pasasalamat namin sa Diyos na itong mga sinasalihan nila ay champion lahat sila. Pag-aaral ang kanilang priority kumbaga ito ay libangan nila, ito na iyong pinakalaro nila,” wika ni Alma Rodrigesa, na ang isang anak ay miyembro ng Ace of Spades.

Alam nyo bang 1734 pa lang ay nasa mapa na ng Pilipinas ang Angono?

Teksto ni Richard R. Gappi at mula sa Google/internet

Ang Murillo Velarde Map noong 1734 ang itinuturing na ‘Mother of all Philippine Maps’ at tinatanggap bilang pinaka-authoritative na reference sa heograpiya at mga lugar sa bansa.

Dalawang beses naging malayang pamahalaan o bayan ang Angono — noong 1766 at noong August 19, 1938 effective January 1, 1939.

Ang pagiging bayan/munisipyo sa dalawang pagkakataon ang kinakatawan ng dalawang bituin sa official seal o sagisag ng Pamahalaang Bayan ng Angono.